RoS, Barako tangkang bumangon

MANILA, Philippines - Dalawang koponan ang nais bumalik sa tamang landas sa kanilang paghaharap habang nais naman ng dalawa pang team na ipagpatuloy ang kanilang magandang ipinapakita sa unang pagbisita ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Cuneta Astrodome.

Maghaharap ang Rain or Shine at Barako Bull sa alas-5:15  ng hapon na susundan naman ng salpukan ng San Mig Coffee at Air21 sa ganap na alas-7:30 ng gabi.

Galing sa unang back-to-back na pagkatalo sa conference ang Elasto Painters kung kaya’t may 5-3 karta na lamang at bumaba sa pangatlong puwesto sa team standings.

Pero makakaharap ng Rain or Shine ang Energy Cola na nasa four-game losing streak dahilan para bumagsak sa ibaba ng standings sa 3-5 karta nito matapos  ang impresibong 3-1 simula sa conference  kaya desperado nang makatikim uli  ng panalo.

Parehong maganda naman ang inilalaro ng Mixers at Express sa kanilang mga nakaraang laro pero isa lamang sa kanila ang makakapagpatuloy nito pagkatapos nilang magharap ngayon.

Galing sa 76-71 panalo noong Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo City ang San Mig Coffee kontra sa Meralco at sa katunayan ay nanalo rin sila ng apat sa huli nilang limang laro.

Pero galing  naman sa unang back-to-back na panalo sa conference ang Air21 at nagnanais pantayan ang pinakamahabang win streak nito mula nang pumasok sa liga noong nakaraang season bilang Shopinas.com.

Tinalo ng Express ang Globalport, 106-94 noong Mar. 10 at sinilat ang Alaska, 74-68 nitong Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo. Nangyari ang magkasunod na panalong iyon matapos ang isang five-game losing streak kung saan 3.6 points lamang ang kanilang naging average losing margin.

Show comments