MANILA, Philippines - Hindi sinira ng Kristal’s Beauty ang paniniwala sa kakayahan ng kabayo nang pangatawanan ang pagi-ging pinakaliyamadong kabayo na nanalo sa pagbubukas ng isang linggong pista sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite noong Martes ng gabi.
Si JB Cordova pa rin ang hinete ng kabayo para sumulong sa dalawang dikit ang pagpapanalo ng nasabing kabayo matapos ang matagumpay na paglahok sa 1,300m race sa mas class division 9-8 kategorya.
Ang huling panalo ng Kristal’s Beauty ay nangyari sa class division 7 pero naipakita ng tambalan na kaya nilang mangibabaw sa mas mataas na grupo sa kinuhang banderang-tapos na panalo.
Ang coupled entries na Mr. Integrity at Cheese Blanca ang nagtulong sa paghamon sa outstanding favorite pero parehong bigo ang mga hineteng sina JB Bacaycay at Dar de Ocampo na maagaw ang panalo.
Ang Cheese Blanca na nalagay sa ikasiyam na puwesto sa huling takbo sa pagdiskarte ng ibang jockey, ang pumangalawa na halos tatlong dipa ang layo sa Kristal’s Beauty.
Halagang P7.50 ang ipinasok ng win habang ang kumbinasyon ng unang dalawang napaboran na 4-3 sa forecast ay mayroong P9.00 dibidendo.
Hindi naman nabigo si Jonathan Hernandez na ibigay sa Olajuwon ang ikalawang sunod na panalo sa buwan ng Marso nang maalpasan ang matinding hamon ng Panamao King sa class division four na inilagay sa 1,300m distansya.
Dating nanalo sa class division 3, napalabas pa ni Hernandez ang itinatagong tulin ng dalang kabayo para maiwanan ang kalaban sa huling 50-metro ng karera.
Naubos naman ang Panamao King na diniskartehan ni Jeff Zarate dahil naungusan siya ng isang ulo ng naghabol na Lucky Pal ni Antonio Alcasid Jr.
Paborito rin ang Olajuwon para makapaghatid ng P9.00 sa win pero dahil dehado ang Lucky Pal, nasa P35.50 ang dibidendo sa 9-7 forecast.
Dalawang panalo ang naihatid ni JB Cordova para saluhan si Jessie Guce sa hineteng may pinakamaraming panalo na nakuha sa bakuran ng Philippine Racing Club Inc.
Ang Aloha ang ikalawang kabayong naihatid sa unang puwesto ni Cordova matapos hiyain ang Tarlak sa race four na isang class division 1B.