Nag-init si Buenafe

MANILA, Philippines - Kinamada ni Ronjay Buenafe ang lahat ng kanyang 19 puntos sa fourth quarter habang muntik nang makapagtala ng triple double si Chris Ross para magbida sa 112-104  panalo ng Meralco kontra sa Barako Bull kagabi na nagresulta ng highest scoring game sa kasalukuyan sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Isang 19-4 run sa fourth quarter, 12 puntos mula kay Buenafe, ang kinailangan ng Bolts para maitala ang kanilang pa-ngatlong sunod na panalo sa torneo at umakyat sa solong pang-apat na puwesto sa team standings sa kanilang 4-3 record, sa likod ng Alaska (6-1), Rain or Shine (5-1) at Petron Blaze (5-2).

Nagdagdag ng 17 puntos, 11 assists at walong rebounds si Ross sa panalo ng Meralco.

“We were preparing ourselves defensively so it’s such a great relief using our offense as our arsenal,” pahayag ni Meralco head coach Ryan Gregorio, sabay papuri sa kanyang mga tirador sa pangunguna ni Buenafe, na bago ang laro ay nag-a-average lamang ng 8.2 puntos sa 15.2 minutong average playing time.

“It’s good to see players waking up after a long sleep like Ronjay who answered the call. Tonight Buenafe shown brightest offensively for us,” wika ni Gregorio tungkol sa ginawa ni Buenafe na pa-ngalawang pinakamataas na iskor sa isang quarter sa conference ng kahit sinong player, sumunod lamang sa 20 ni KG Canaleta sa naging 86-83  pagkatalo ng Air21 sa Talk ‘N Text noong Feb. 15.

Ang conference-high na 37 puntos at 25 rebounds naman ni Evan Brock ang nanguna para sa Barako Bull na nakalasap ng pang-apat na sunod na talo nito para bumaba sa 3-5 ang karta.

Show comments