Rain or shine masusubukan sa talk ‘N text
MANILA, Philippines - Itataya ng Rain or Shine ang pinakamahabang winning streak sa kasalukuyan laban sa Talk ‘N Text sa unang paghaharap ng mga Philippine Cup finalists sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Elasto Painters ang Tropang Texters sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng bakbakan ng Barako Bull at Meralco sa alas-5:15 ng hapon.
Bukod sa nais ng Rain or Shine na ipagpatuloy ang 5-game winning streak nito, nais din ng Elasto Painters na makaganti kahit papaano sa TNT na nag-sweep sa kanila sa best-of-7 finals sa nakaraang all-Filipino conference.
Pakikisosyo sa liderato sa team standings din ang hangad ng Rain or Shine kasama ng Alaska na may 6-1 karta, kalahating laro sa harap ng 5-1 ng RoS.
Nitong nakaraang linggo ay pare-parehong natapos ang mga 5-game winning streaks ng Aces at Petron Blaze (5-2), bagay na ayaw mangyari ng Elasto Painters na nagnanais ding itala ang pinakamahabang winning streak sa kasaysayan ng prangkisa o mula nang pumasok sa liga bilang Welcoat noong 2006-07 season.
Galing sa 103-95 panalo ang Rain or Shine kontra sa Globalport noong Biyernes at inaasahang lalo pa itong lalakas sa posibleng pagbabalik-laro ni Jeff Chan na nagkaroon ng injury sa kaliwang hinlalaki.
Tinalo naman ng Talk ‘N Text ang Barako Bull, 101-98 noong Sabado sa unang laro ng Tropang Texters sa piling ni Donnell Harvey, ang import ng TNT sa conference na ito noong nakaraang season na kakapalit lamang kay Keith Benson.
Sa unang laro nama’y ambisyon ng Bolts (3-3) ang kanilang pangatlong sunod na panalo laban sa Energy Cola (3-4) na natalo naman sa kanilang huling tatlong laro.
- Latest