BSCP handang magpadala ng ‘full team’ sa SEAG

MANILA, Philippines - Handang magpadala ang Billiards Sports Confederation of the Philippines ng kumpletong delegasyon para sa 27th Southeast Asian Games sa Myanmar sa Disyembre.

“If we are asked to send a full team we will send a full team,” wika ni BSCP secretary-general Robert Mananquil.

Ayon pa kay Mananquil, naghihintay lamang ang BSCP ng desisyon ng Philippine Olympic Committee ukol sa paglahok sa 2013 Myanmar SEA Games.

Kinukuwestiyon ng POC ang ginawa ng Myanmar na pagpasok ng 60 events kung saan ang karamihan dito ay mga traditional at indigenous sports na hindi pamilyar sa iba pang miyembro ng SEA Games.

Wala pang inihahayag ang POC kung magpapadala ng full delegation o isang token representation bilang pagpapakita ng pagkadismaya sa ginawa ng Myanmar.

Sinabi ni Manquil na handa ang BSCP na sumabak sa limang events ng English billiards.

“That’s where Myanmar is good. So, they included five events in English billiards and raised the number of events from 10 in 2011 to 15,” wika ni Mananquil.

Papasok sa huling siyam na buwan bago ang Myanmar SEA Games, sinabi ng BSCP official na may sapat na panahon pa ang mga Filipino players para paghandaan ang kanilang mga events.

Nag-uwi ang BSCP ng tatlong gold, dalawang silver at apat na bronze medals sa billiards noong 2011 SEA Games sa Indonesia.

 

Show comments