MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagdagsa ng mga Fil-foreign football players, dalawang tubong Western Visayas ang nagbida noong nakaraang taon.
Isinalpak ni Chieffy Caligdong ng Pototan, Iloilo ang mahahalagang goals para sa Philippine Azkals, habang naging matibay naman ang depensa ni goalkeeper Eduard Sacapano ng Bago City, Negros Occidental bilang kapalit ni Neil Etheridge.
Dahil sa kanilang kabayanihan, hihirangin sina Caligdong at Sacapano bilang Mr. Football sa PSA-Milo Annual Awards Night sa Marso 16 sa grand ballroom ng Manila Hotel.
Ang 33-anyos na si Sacapano at ang 30-anyos na si Caligdong ay bibigyang parangal ng pinakamatandang media organization sa bansa katuwang ang SM Prime Holdings, Globalport 900, Meralco, Rain or Shine, ICTSI at Philippine Golf Tour, Philippine Basketball Association, LBC, Smart, Senator Chiz Escudero at Philippine Sports Commission.
“For the second straight year, the PSA is handing out a Mr. Football award which deservingly belongs to Chieffy Caligdong and Eduard Sacapano as co-winners,†sabi ni PSA president Rey Bancod ng Tempo.
Bilang isang substitute sa second half, ipinasok ni Caligdong ang game-winning goal sa 1-0 panalo ng Azkals laban sa Vietnam sa preliminaries ng Asean Football Federation Suzuki Cup.
Si Sacapano naman ang sumapo sa naiwang trabaho ni Etheridge para sa Azkals.
Matibay na depensa ang ibinigay ni Sacapano para makamit ng Azkals ang Philippine Peace Cup kung saan siya kinilala bilang Best Goalkeeper.
Siya rin ang hinirang na Man of the Match sa friendly game ng Azkals kontra sa Singapore at ang goalkeeper ng Azkals nang kunin ang third place trophy ng Challenge Cup opposite Palestine at sa AFF Suzuki Cup kung saan nakapasok sila sa semifinals.
Sina Caligdong at Sacapano ay kasama sa higit sa 50 personalidad na pararangalan sa two-hour rites na pangungunahan nina boxers Nonito Donaire Jr, Josie Gabuco, Manila women’s softball team at ng Ateneo Blue Eagles na mga co-winners ng Athlete of the Year award.