Thunder wagi sa Knicks LA Clippers bagsak sa Denver

NEW YORK -- Hindi nangyari ang Kevin Durant-Carmelo Anthony showdown ngunit maganda ang ipinakita ni J.R. Smith sa loob ng tatlong quarters.

Pinalamig ng Oklahoma City Thunder ang mainit na shooting ng Knicks sa fourth quarter at naging matatag upang igupo ang New York, 95-94 nitong Huwebes nang magmintis si Smith ng turn around jumper bago tumunog ang buzzer.

“We’ve been hurt on those game-winners a couple of times this year and we didn’t want that to happen again,’’ sabi ni Durant. “So we just had to lock in and get a stop.’’

Umiskor si Durant ng 34 points, kabilang ang dalawang two free throws sa huling 1:38-minuto ng laro tungo sa  panalo ng Oklahoma City. Mayroon din siyang eight rebounds at six assists.

Nahirapan si Russell Westbrook sa huling tatlong quarters ngunit tumapos siya ng 21 points, six rebounds at five assists bukod pa sa mahigpit na depensa nito sa huling tira ni Smith sa unang biyahe ng Thunder sa New York sapul noong Dec. 22, 2010.

Nagtala si Kevin Martin ng 16 points para sa Oklahoma City na sumulong sa tatlong sunod na panalo.

Sa Denver, nagawang pigilan ng Los Angeles Clippers ang Denver  ngunit sa first half lamang dahil bumawi ang Nuggets sa ikalawang bahagi ng labanan tungo  sa kanilang 107-92 panalo.

Nakakuha ang Nuggets ng 21 points mula kay Ty Lawson at 20 mula kay Danilo Gallinari para sa kanilang ika-12 sunod na home win.

 

Show comments