MANILA, Philippines - Bumangon ang Saga mula sa ikalimang puwesto sa huling kurbada para makapaghatid ng saya sa mga dehadista sa isinagawang karera noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Napag-init ni RC Baldonido ang sakay na kabayo upang makahabol sa mga nakaunang kabayo at inabutan pa sa meta ang tila panalo ng Wen Wen ni JV Ponce. Full gate ang laban sa class division 2 na inilagay sa 1,300-meter pero tatlo ang coupled entry at kinasabikan ang tagisan na naunang nasentro sa Wen Wen at Ice Storm na tumakbo kasama ng Dancing Dolphin.
Nakuha ng Wen Wen na binigyan ng pinakamagaang handicap weight na 50 kilos ang liderato sa huling 150-metro ng karera pero bumulusok ang Saga at naunang nailusot ang ulo sa meta.
Ikalawang sunod na takbo ito ng tambalan sa class division 2 at nakabawi si Baldonido mula sa panlimang puwes-tong kinalagyan noong Pebrero 23.
Dehado ang kabayo at nakapagpasok ng P89.50 sa win pero mas nadehado ang forecast na 8-10 nang umabot sa P2,431.00 ang dibidendo nito.
Kuminang din ang kabayong Smart And Noble na dala ni Jeffrey Bacaycay at lumabas bilang hineteng may pinakamaraming panalo kasama si Jonathan Hernandez.