DLSU kampeon sa UAAP women’s tennis

MANILA, Philippines - Sumandal uli ang La Salle sa lakas ng kanilang singles para gapiin ang UST, 3-2 at angkinin ang UAAP women’s tennis title na pinaglabanan kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang 19-anyos na si Martina Guba ang siyang nagtiyak ng panalo sa Lady Archers nang isantabi ang mga paltos sa paa tungo sa 7-5, 6-0, tagumpay kay Lenelyn Milo sa ikalima at huling laro ng best-of-5 series.

Naunang nanalo si Regina Santiago kay Len Len Santos, 6-3, 6-1, habang si Marinel Rudas ay nangibabaw kay Macy Gonzales, 6-1, 6-3.

Ang Lady Tigresses ay sumandal sa husay sa doubles at sina Dianne Bautista at Jhie Helar ay nanalo kina Aira Putiz at Lynette Palasan, 6-1, 6-2, habang sina April Santos at Zaza Paulino  ay nanaig laban kina Nikki Arandia at Princess Castillo, 6-3, 6-2, para magtabla ang dalawang koponan matapos ang apat na tagisan.

“Masama ang loob namin last year dahil alam naming amin ang titulo pero kinapos lang sa finals. Kaya maaga kaming nag-training,” wika ni Guba na magtatapos na ng kanyang pag-aaral sa kursong International studies major in European studies.

Ang La Salle at UST rin ang naglaban noong nakaraang season at patok ang Lady Archers matapos walisin ang double round elimination  para sa twice-to-beat advantage sa finals. Pero namayagpag ang Lady Tigresses sa finals at dalawang beses na hiniya ang katunggali.

Ito ang ikatlong kampeonato sa huling apat na taon at ika-6 ng La Salle sa women’s division na ipinasok noong 2001.

 

Show comments