MANILA, Philippines - Umalingawngaw ang pangalan ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos sa apat na sulok ng Metro Turf Club nang angkinin niya ang lahat ng malalaking parangal na ipinamigay sa pagtatapos ng pista noong Linggo sa Malvar, Batangas.
Ang mga ipinanlabang matitikas na kabayo na Cat’s Silver at El Libertador ang siyang lumabas bilang kampeon sa inilargang Philracom Leo Prieto II at III Stakes Races na siyang tampok na karera sa maghapon.
Parehong nakapagrehistro ang dalawang kabayo ng 1:37.6 winning time sa karerang pinaglabanan sa isang milya at diniskartehan ng mahusay na hineteng si jockey Jonathan Hernandez.
Nag-akyat ang panalo ng Cat’s Silver at El Libertador, na mga kampeon ng PCSO Special Maiden Race, ng tig-P300,000.00 bilang unang gantimpala sa dalawang P600,000.00 race na suportado ng Philippine Racing Commission.
Tinalo ng tatlong taong filly na Cat’s Silver ang Five Star (JA Guce), Top Story (MA Alvarez) at Humble Submission (JB Guce) habang ang tatlong taong colt na El Libertador ay nangibabaw sa Señor Vito (JPA Guce), Right Direction (MA Alvarez) at Borj Kahlifa (JB Guce).
Ang ipinakita ng dalawang kabayong ito ang nagbibigay-sigla sa hangarin ni Abalos na manalo uli sa Triple Crown Stakes race na sisimulan sa Mayo 18 at itinakda sa nasabing racing club.
Kay Abalos nagmula ang Hagdang Bato na noong nakaraang taon ay winalis ang tatlong yugtong karera para sa mga tatlong taong gulang na mga kabayo.
“Tignan na lang natin. May mga 3-year old akong panlaban ngayon at tignan natin if they will mature,†wika ni Abalos.
Bukod sa panalo sa tampok na karera, si Abalos, na nagdala ng mga taga-Mandaluyong upang suportahan ang isinagawang 68th selebrasyon ng Mandaluyong Day sa pamamagitan ng paglarga ng isang racing festival, ay ginawaran din ng Horse Owner of the Year ng Philracom.
Si Philracom chairman Angel Castano Jr. ang siyang nanguna sa pagbigay ng parangal kay Abalos dahil sa kanyang kontribusyon sa pagpapasigla sa horse racing.
Si Hernandez ay pinarangalan din bilang Jockey of the Year habang si Ruben Tupas ang kinilala bilang Trainer of the Year.
Pinasalamatan ni Abalos ang mga nagluklok sa kanya sa parangal kasabay din ng pag-apela na magtulung-tulong ang lahat para lalong sumigla ang industriya.