Wala pang tumatalo sa Alaska
MANILA, Philippines - Pagkatapos ng halos tatlong linggong aksiyon sa 2013 PBA Commissioner’s Cup eliminations, wala pa ring tumatalo sa Alaska.
At wala pa ring panalo ang Barangay Ginebra.
Ang Aces ang nag-iisang koponang wala pang talo at ang Kings naman ang tanging koponang wala pang panalo.
Namamayagpag sa ibabaw ng team standings ang Alaska sa kanilang 4-0 panalo-talo samantalang nakalugmok naman sa ilalim ang Barangay Ginebra sa 0-4.
Ito ang pinakamagandang simula sa isang confe-rence ng Aces mula nang mag-6-0 start noong 2009-10 Philippine Cup.
Pero sa isang conference na may imports, ito ang pinakamagandang simula ng Alaska sa loob ng nakaraang 12 taon, o mula nang mag-4-0 ito noong 2001 Commissioner’s Cup sa piling ni Terrance Badgett bilang import.
Ito naman ang pinakamasamang simula sa isang conference ng Kings mula nang matalo sa kanilang unang limang laro noong 2008 Fiesta Conference.
Bagama’t may 4-0 start, hindi nagkampeon ang Alaska noong 2009-10 Philippine Cup gayundin sa 2001 Commissioner’s Cup.
Sa limang koponan na naka-4-0 start sa PBA overall, dalawa lamang ang nagkampeon – ang Talk ‘N Text sa nakaraang Philippine Cup at San Miguel Beer noong 2009 Fiesta Conference.
Sa huli namang limang koponang nagtala ng 4-0 simula, isa lamang ang nagkampeon at ito ang Barangay Ginebra noong 2008 Fiesta Conference kung saan sa katunayan ay 0-5 pa nga ang naging simula ng Kings.
Ibig sabihin, mahaba pa ang torneo. Marami pang maaaring mangyari, nasa itaas ka man o ibaba ng team standings.
- Latest