Good As Gold kuminang kay jockey RF Torres
MANILA, Philippines - Nakapanorpresa ang Good As Gold na sakay ni RF Torres nang manalo laban sa mga matitikas na katunggali sa pagpapatuloy ng karera sa Metro Manila Turf Club noong Huwebes ng gabi sa Malvar, Batangas.
Agad na nailagay ni Torres ang sakay na kabayo sa ikalawang puwesto at nagawang balewalain ang ha-mon ng mga coupled entries na Don Paolo at Negasi na nasa una at ikatlong puwesto sa class division 3 race na pinaglabanan sa 1,400m distansya.
Sa huling 600m ng karera, kinuha na ng Good As Gold ang bandera sa Don Paolo habang umarangkada na rin ang My Big Osh na dala ni Antonio Alcasid Jr.
Nasa labas na labas ang My Big Osh ngunit kinapos ang paghahabol ng tambalan ng kalahating dipa sa dehadong Good As Gold.
Ito ang ikalawang panalo sa pitong karerang tinakbuhan ni Torres at ikalawang opisyal na takbo sa ikatlong racing club sa bansa na ‘state-of-the-art.'
Unang iginiya sa tagumpay ni Torres ang Dieguito sa race one na hindi naabutan ng mga karibal nang pinakawalan ito ng hinete tungo sa halos apat na dipang agwat sa pumangalawang C Tonet.
Napantayan ni JB Guce ang dalawang panalo na nakuha ni Torres nang manalo ang mga hinawakang Toscana at Shimmering Pebbles.
Sa 3-YO Maiden, M1 at M2 ginawa ang karera at ang Toscana ay nanalo kahit na nalagay sa pangalawa sa bugaw sa alisan.
Ang Bon Legacy ay nakaagwat na ng halos limang dipa sa Toscana sa rekta ngunit napaharurot ni Guce ang kabayo upang maabutan sa meta ang katunggali.
Inuna naman agad ni Guce ang Shimmering Pebbles at iniwan na ang mga kalaban tungo sa banderang-tapos na panalo sa 1,000m race.
Ang iba pang nagsipanalong kabayo ay ang Hyena sa race 3, Raon sa race 4 at Espirit De Corps sa race 6.
- Latest