Muling masusukat ang katatagan ng San Miguel Beermen sa pagharap sa Chang Thailand Slammers sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) ngayong gabi sa Nimbutr Stadium sa Bangkok, Thailand.
Sa ganap na ika-7 ng gabi sa Thailand magsisi-mula ang bakbakan at nais ng Beermen na bumangon matapos ang masakit na 96-98 kabiguan sa overtime sa nagdedepensang Indonesia Warriors noong Biyernes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tabla sa 1-1 ang head-to-head ng Beermen at Warriors ngunit ang pananaig ng huli ay ikalawang sunod na nangyari sa Ynares. Ang una ay sa Game Three ng finals noong nakaraang taon na ikinadismaya ng mga panatiko ng home team.
“Kailangang bumawi kami sa Chang,†wika ni Beermen coach Leo Austria na bumaba sa 2-2 karta.
Hindi naman madaling kalaban ang Slammers dahil bitbit nila ang dalawang sunod na panalo na nagbangon sa koponan mula sa 0-3 start.
“Talented ang team na ito, pero sa dalawang talo namin, outplayed kami ng kalaban sa huling quarter. Ito ang hindi dapat na mangyari,†wika pa ni Austria.
Si Gabe Freeman na gumawa ng 30 puntos at 15 boards, ang mangunguna sa Beermen pero dapat na gumana rin ang iba tulad ng kanilang guards na na-pilay nang na-foul-out si Chris Banchero.
Dapat ding tumibay ang depensa ng koponan at paghandaan ang inspiradong paglalaro ng Filipino import na si Froilan Baguion at Christien Charles.