Bagong deadline para sa nominasyon ng mga kabayo ipatutupad

MANILA, Philippines - Kumilos ang Philippine Racing Commission (Philracom) para maiwasan ang pag-atras ng mga idineklarang kabayo sa mga malalaking stakes races.

Nagdesisyon ang Philracom board sa pa-ngunguna ng chairman na si Angel Castano Jr. sa  huling pagpupulong, na lagyan ng deadline para sa nominasyon at deklarasyon ng mga ipanlalabang kabayo sa mga stakes races.

Nagkasundo ang mga opisyales na ilagay ang nominasyon ng kabayo isang linggo bago ang araw ng deklarasyon na gagawin naman sa araw ng Lunes sa linggo ng stakes race.

Nagkakaroon ng problema ang industriya kapag biglang iniaatras ang mga deklaradong kabayo sa malalaking karera dahil  humihina ang kalidad ng kompetisyon na nagreresulta sa mababang benta sa takilya.

Sa pagkakaroon ng deadline, ang mga  may-ari ng mga pangarerang kabayo ay magkakaroon ng sapat na panahon para suriin ang kondisyon ng mga panlaban kung handa ba ito para sumagupa sa iba pang matitikas na kabayo sa mga stakes races.

Ang hakbang ay isa lamang sa mga aksyong ginagawa ng Philracom na nais na pagandahin ang horse racing upang umani ng mas maraming suporta sa bayang-kare-rista at tumaas uli ang kita ng industriya.

Naunang sinabi ni Castano na kikilos ang Philracom ayon sa nararapat upang mas mapaganda ang industriya na magkakaroon na ng ikatlong karerahan na Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas.

Sa ikatlong linggo sa buwang kasalukuyan magsisimula ang pakarera sa bagong racing club at tampok na karera ay ang dalawang malalaking stakes races.

Una na rito ay ang Prie-to Cup habang ang Freedom Cup ay ilalarga rin.

Inaasahang tampok na  tagisan sa Freedom Cup ay ang pagkikita ng 2012 Horse of the Year Hagdang Bato at ang mahusay na imported horse na Juggling Act.

Nagdesisyon na ang Philracom na bigyan ng dalawang racing days sa isang linggo ang tatlong karerahan na ang araw ay iikutin kada linggo para lahat ay magkaroon ng kita.

Ang Santa Ana Park sa Naic, Cavite at San Lazaro Leisure Park sa  Carmona, Cavite ang iba pang  racing clubs na magdaraos ng karera.

Sa tatlong karerahang ito, ang Santa Ana ang naghayag na ng kanilang petsa ng karera hanggang Marso. Sa Pebrero 28 sila babalik habang ang petsa ng karera nila sa Marso ay sa 3, 6, 9, 12, 15, 21, 24, 27 at 30. 

 

Show comments