MANILA, Philippines - Ang tatlong kampeon na nagbigay ng karangalan sa bansa sa world stage at isang dominanteng college basketball team na ang paghahari ay naging isa sa pinakamatagumpay na basketball program ang napili bilang co-winners ng Athlete of the Year award ng Philippine Sportswriters Association (PSA).
Maghahati sa spotlight sina super-bantamweight king Nonito Donaire Jr., ang Big League Softball World Series winner Team Manila, si AIBA World Women’s Boxing Championship gold medal winner Josie Gabuco at ang five-time UAAP men’s basketball title holder na Ateneo Blue Eagles sa PSA Annual Awards Night na inihahandog ng Milo. Ang apat na nanguna sa listahan ng mga top achievers ay pararangalan sa Marso 16 sa makasaysayang Manila Hotel.
Ang paraan kung paano nila dinomina ang kanilang mga sports events ay sapat lamang para bigyan sila ng award, ayon kay PSA president Rey Bancod ng Tempo.
Ito ang unang pagkakataon na makakatanggap si Gabuco ng PSA award kagaya ng mga Manila softbelles at Blue Eagles na mga unang koponang binigyan ng parangal matapos ang Southeast Asian Games overall champion Team Philippines noong 2005.
Para kay Donaire, ito naman ang kanyang ikatlong PSA Athlete of the Year trophy at ikalawang sunod matapos maki-paghati kay billiards great Dennis Orcollo sa nakaraang PSA Awards.
Ang 25-anyos na si Gabuco ang naging unang Filipina boxer na komopo ng gold medal sa World Women’s Boxing Championship matapos umiskor ng isang 8-7 panalo laban kay World No. 8 Xu Shiqi sa light-flyweight finals sa Qinhuangdao, China.
Muntik nang hindi nakalahok ang Team Manila sa World Series dahil sa kakapusan sa pondo ngunit nagawa nilang magkam-peon. Nakopo naman ng Blue Eagles ang kanilang pang-limang sunod na kampeonato sa UAAP.