MANILA, Philippines - Kinilala ang premyadong kabayo na Hagdang Bato bilang Horse of the Year sa 15th Philtabo Gintong Lahi Awards na ginawa kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang mga taong nakapalibot sa Hagdang Bato ay kinilala rin ng samahan sa payak na selebrasyon na nagbibigay-pugay sa mga kabayo, hinete, horse owners at breeders na nagpasigla sa 2012 horse racing.
Hindi nakakabigla ang pagkakapanalo ng Hagdang Bato bilang pinakamahusay na kabayo ng nagdaang taon dahil lahat ng malalaking karera ay tinuhog nito.
Tampok rito ang tatlong leg ng Triple Crown Series bukod pa sa PCSO Presidential Gold Cup upang tapusin ang isang taong pangangarera bitbit ang P13,465,977.05 kita.
Ang may-ari ng kabayo na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at ang hinete na si Jonathan Hernandez ang nanalong Horse owner at Jockey of the Year.
Ang batikang horse owner na si Herminio Esguerra ay kinilala rin bilang Top Breeder ng 2012.
Ang mga kabayong Seaquin at Quaker Ridge ang may pinakamaraming palahing kabayo na kuminang sa nagdaang taon at ang dalawa ay pag-aari ni Esguerra.
Nakuha rin ng isa pang premyadong kabayo ng nasabing horse owner na Juggling Act ang parangal bilang pinakamahusay na Imported Horse.
Ang iba pang binigyan ng parangal ay ang mga kabayong Boss Jaden at Eurasian bilang pinakamahusay na 2-Year Old Colts at Filly.