MANILA, Philippines - Naibsan ang masakit na pagkatalo ng Ateneo sa National University sa finals ng UAAP baseball noong nakaraang taon nang kunin ang 9-2 panalo noong Linggo sa Rizal Memorial Ballpark.
Pinatahimik ng Eagles sa kakakahol ang Bulldogs nang lumayo agad sa 6-0 para makumpleto sa 5-0 sweep sa first round.
Kailangan na lamang ng Eagles na maduplika ang ipinakita sa second round para umabante sa finals upang magkaroon ng mahalagang twice-to-beat advantage.
Sa women’s volleyball, hindi pinayagan nina Pau Soriano at Shila Pineda na masayang ang pinaghirapang 2-0 kalamangan nang panguna-han ang malakas na laro sa deciding fifth set tungo sa 25-21, 25-22, 19-25, 16-25, 15-10, panalo ng Adamson sa Ateneo sa larong ginawa sa The Arena sa San Juan City.
Pinawi ng Lady Falcons ang pagkatalo sa Lady Eagles sa first round upang makasalo sa UST sa 5-3 habang ang Ateneo ay lumasap ng ikalawang sunod na pagkatalo tungo sa pangkalahatang 6-2 baraha.
Una pa rin ang La Salle sa 7-1 at ang huling tinalo ay ang host National University noong Sabado nang bumangon sa 1-2 iskor tungo sa 25-20, 23-25, 24-26, 25-13, 15-8 panalo sa limang set.
Ang NU ay bumaba sa 4-4 at katabla ang FEU na pinataob ang UE, 25-14, 25-22, 25-15, sa kanilang laro.
Sa lawn tennis, tinapos ng UST ang tatlong sunod na pagpapanalo ng nagdedepensang La Salle sa men’s tennis nang kunin ang 3-2 panalo na nilaro sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ang MVP ng liga dala-wang taon na ang nakararaan na si Ralph Barte ang nagbigay ng panalo sa Tigers nang lapain si Ernesto Pantua, 6-2, 6-1.
Ito ang ikalawang panalo ng Tigers matapos talunin ang UE, 3-2, noong Sabado para umakyat sa 3-2 baraha.
Bumawi naman ang Lady Archers dahil nalusutan nila ang Lady Tigresses, 3-2, sa women’s division.
Isama pa ang 3-2 panalo sa Ateneo noong Sabado, ang La Salle ay angat sa dibisyon sa 3-0 baraha.