Juggling Act maganda ang ipinakita sa Yabut III race

MANILA, Philippines - Magarang panimula ang naipakita ng imported horse Juggling Act nang pag­harian ang 2013 Phil­ra­com Mayor Nemesio S. Ya­but III na nagdagdag ng kinang sa pagtatapos ng pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si  Jonathan Hernandez muli ang gumabay sa kabayong pag-aari ni Her­­minio Esguerra at nai­pa­­kitang muli ng Juggling Act ang kinatatakutang tu­­lin nito upang lumabas na kampeon sa hanay ng pi­­tong naglaban.

Tila naapektuhan ang prem­yadong kabayo na anak ng Causeway at Pi­cadilly Circus sa ipinataw na pinakamabigat na han­dicap weight na 57 ki­los matapos malagay sa ikaanim na puwesto sa ali­san.

Ang Azkals, Crucis at Lord Of War ang siyang nagdidikta ng tulin ng karera pero nagpapa­hinga lamang pala ang pi­naborang kabayo sa karerang pinaglabanan sa 1,600-metro distansya.

Hindi na napigil ang Juggling Act para ma­nalo pa ng halos dalawang dipa sa Azkal bago su­nod na tumawid ang Cru­cis (JB Guce) at Indy Hay (FM Raquel Jr).

Nakakubra ng prem­yong P300,000.00 ang Jug­gling Act mula sa P500,000.00 na kabuuang premyo na pinaglabanan, ha­bang ang winning bree­der ay nagkamal ng P15,000.00.

Ito rin ang ikatlong diretsong panalo ni Hernandez sa mga stakes races na pinaglabanan na. Naunang naipanalo ng class A rider ang Be Humble at Cat’s Silver sa mga Yabut Stakes races noong Enero 6 sa kabilang karerahan.

Ang Botbo (KB Abobo), Gastambide (JPA Gu­ce) at Lord Of War (V Di­lema) ang kumumpleto sa datingan ng mga naglaban.

Ang win ng Jug­gling Act ay nagpasok pa ng P11.50, habang nasa P36.00 ang dibidendo ng 3-5 sa forecast. (AT)

Show comments