MANILA, Philippines - Natapos na ang laban ng Philippine Patriots sa ASEAN Basketball League.
Nagdesisyon ang may-ari ng koponan na si Michael (Mikee) Romero na iwanan na ang regional basketball league para ibigay ang buong panahon sa kanyang PBA team na Globalport Batang Pier.
Tinapos ng Patriots ang paglalaro sa ABL bilang pinakaproduktibong koponan na nasilayan sa liga matapos magkaroon ng titulo bukod pa sa isang runner-up at third place na pagtatapos.
Naging kampeon ang Patriots sa unang taon noong 2009 nang walisin ang best-of-five finals laban sa Satria Muda BritAma. Sina Jason Dixon at Gabe Freeman ang siyang import ng koponan at si Louie Alas ang siyang kanilang head coach.
Bumalik sa finals ang Patriots ngunit ininda ng koponan ang katotohanang hindi nagkaroon ng sapat na panahon para makapag-jell sina Freeman at Steve Thomas upang lasapin ang 0-2 pagkatalo sa championship round laban sa Chang Thailand sa pagmamando ni Dixon.
Bigo naman ang Patriots sa Indonesia Warriors sa dalawang laro sa semifinals sa 3rd ABL season upang malagay sa ikatlong puwesto.
Dahil sa pangyayari, ang San Miguel Beermen na lamang ang siyang sasandalan ng Pilipinas para mu-ling magkampeon sa liga.
Makakasama ng Beermen sa season na ito ang nagdedepensang Warriors, KL Dragons, Singapore Slingers, Chang Thailand Slammers at Saigon Heat.
Si Leo Austria ang mauupo bilang head coach matapos magbitiw si Bobby Parks sa kanyang puwesto at malakas ang Beermen dahil hinugot nila sina 6’10” Paul Asi Taulava at 6’6” Eric Menk upang isama sa shooter na si Leo Avenido at mga mahuhusay na imports na sina Freeman at Brian Williams.