Sa pakikipag-umpukan sa PBA sportswriters, isa sa madalas na mai-kuwento ni Talk ‘N Text coach Norman Black ang isang insidente kalaro si Vic Sanchez noong panahong naglalaro pa siya bilang import sa PBA.
Isa sa mga kinatatakutang enforcer ng liga si Sanchez noong dekada 70 hanggang 80. Binansagan ng nasirang sports commentator na si Joe Cantada na ‘Rambo,’ sunod sa patay-kung-patay na katauhan na binigyan buhay sa Hollywood movie ni Sylvester Stallone.
Ala-Rambo naman talaga lumaro si Sanchez, di nagbibigay ng foul na di mararamdaman ng kalabang player. Huwag kang basta dra-drive sa harap niya dahil malamang na salengkwang sa hard court ang aabutin mo.
Kuwento ni coach Norman na nakatikim siya ng cheap shot kay Sanchez ngunit hindi siya nag-iiyak at naghintay lang ng tamang timing para gumanti ng mas matindi kay Rambo. At tingin ni coach Norman ay nagtanda si Rambo.
Bumalik sa aking isip ang kuwento ni coach Norman dahil sa dami ngayon ng PBA players na iyakin samantalang salbahe rin naman kung maglaro.
Ika nga ni coach Sonny Jaworski noon: “Kung ayaw ninyong masaktan, mag-chess na lang kayo.”
Hindi tino-tolerate ni coach Norman ang sakitan, ngunit bukas din ang kanyang isipan na ito ay parte ng laro.
“It’s gonna be a long series, very competitive, very physical and we just have to be ready for it. Jayson (Castro) took a pretty good hit on the break but that’s part of basketball, part of the series,” ani coach Norman pagkatapos ng pisikal na bakbakan ng Talk ‘N Text at Alaska noong Miyerkules ng gabi.
Marami ang nag-iiyakan kahit na matagal na sa basketball, ayaw ipasok sa isip na ang hard fouls at kahit na dirty fouls ay parte ng playoff basketball. Iyan ang isa sa gustong mapanood ng mga tao.
At sigurado naman na on top of the situation si PBA commissioner Chito Salud. Kung ready ka-yong magbigay ng flagrant fouls ay dapat na maging ready rin kayong tumanggap ng kaparusahan.
Kasama sina Cyrus Baguio at Calvin Abueva sa mga humaharap sa posibleng sanction dahil sa flagrant fouls na ibinigay nila noong Miyerkules ng gabi.
Obvious na Alaska ang napikon sa gulangan.
“Talk ‘N Text has the experience and we need to adjust. We also cannot be carried away with the disappointing calls. We have to play through it. We need to play basketball and focus on that instead,” wika ni coach Luigi Trillo.