Ang taong 2012 at si LeBron James
Ang walang katapusang pagpapatahimik ni LeBron James sa kanyang mga haters ang pinakamalaking istorya ng 2012 sa NBA.
Binatikos ng marami dahil sa pag-alis niya sa kanyang hometown at NBA team na Cleveland noong 2010 para lumipat sa Miami, dalawang taon ding paghihirap at sakripisyo ang tiniis ni James para patunayan na naging tama ang kanyang desisyon nang mapanalunan ang kauna-unahan niyang NBA championship sa loob ng kanyang siyam na taon bilang pro.
Dati nang naging NBA Most Valuable Player, All-Star Game MVP at scoring champion, marami pa ring hindi nagbigay ng ganoong respeto sa talento ni James.
Pero tila nagbago ang lahat ng iyan dahil tinalo ng Miami Heat nina James at Dwayne Wade ang Oklahoma Thunder ni season MVP Kevin Durant noong nakaraang Hunyo, 4-1 sa best-of-seven Finals kung saan si James ang nahirang na Finals MVP.
Nasemento pa ito sa pangunguna ni James sa Team USA na napanalunan ang gintong medalya sa London Olympics noong Agosto.
Bagama’t maraming kasamang NBA superstars sa Team USA sa katauhan nina Durant, Kobe Bryant, Carmelo Anthony at Chris Paul, walang kaduda-dudang si James ang star ng mga stars sa koponan na tumalo sa Spain sa Olympic Finals, 107-100.
Pero sa pagsisimula ng taon, hindi si James ang gumawa ng pinakamalaking ingay sa NBA kundi isang Asyano sa katauhan ni Jeremy Lin, isang Chinese-American na labas- pasok sa liga pero biglang naging superstar sa kampo ng New York Knicks.
Sapilitang nasingit sa starting lineup ng Knicks dahil sa injuries sa mga key players nito tulad nina Anthony at Amare Stoudamire, umiskor ng at least 20 points sa siyam sa kanyang unang sampung laro si Lin kung saan nagkaroon pa ng seven-game winning streak ang Knicks para maging overnight sensation at instant superstar sa liga.
Sa kasikatan ni Lin ay nabuhay ang mga sikat na sikat na katagang “Linsanity” at “Lin-credible,” naging isa sa mga mabenta sa liga ang kanyang No. 7 jersey sa Knicks at nagresulta sa mas maayos na career para sa kanya matapos maglaro sa NBA D-League.
Pinagpasa-pasahan lamang si Lin ng ilang NBA teams tulad ng Golden State Warriors at Houston Rockets.
Sa pagsisimula ng bagong season, sa Rockets din bumagsak si Lin na inalok na malaking kontrata, katulad ni James Harden na napirata din ng Houston mula sa kampo ng Oklahoma City.
Pero ang pinakamalaking kuwento sa pagbubukas ng 2012-13 NBA season ay ang dumagundong na pagsungkit ng Los Angeles Lakers kina Dwight Howard at Steve Nash.
Meron nang Bryant at Pau Gasol, nasamahan pa ang Lakers ng dalawang pinakamagagaling na players sa center at point guard positions, bagay na bumuhay na naman ng pag-asa ng mga Lakers fans na pagdomina sa liga ng kanilang paboritong koponan pagkatapos maagang na-eliminate sa dalawang nakaraang NBA playoffs at pagkatapos nagkampeon noong 2010 lamang sa liga.
Pero hindi naging maganda ang simula ng Lakers bagama’t may pinakamalakas na koponan sa papel.
Natalo sa apat sa kanilang unang limang laro ang LA kasunod ang pagsibak kay head coach Mike Brown.
Umugong ang balitang babalik si Phil Jackson pero isang Mike din ang pumalit sa katauhan ni Mike D’Antoni, dating coach ng Phoenix Suns.
- Latest