Boss Jaden nanguna sa Philracom Juvenile C’ships

MANILA, Philippines - Tinapos ng Boss Jaden ang magandang ipinakita sa taong 2012 nang angkinin ang pinaglabanang  Philra-com Juvenile Championships na pinaglabanan kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Naipakita uli ni jockey Jeff Bacaycay ang tamang diskarte sa kabayong anak ng premyadong Real Spicy sa Tereshkova upang makahulagpos sa hamon ng paboritong Pantukan na ginabayan ni Fernando Raquel Jr. at Be Humble na sakay ni Jonathan Hernandez.

Inilagay sa 1,600m ang karera na nilahukan ng 11 kabayo at ang Boss Jaden ay naorasan ng 1:44.2 sa kuwartos na 27, 25, 24’, 28.

Ang panalo ay nagkahalaga ng P1.5 milyon para sa winning owner na si Atty. Sixto Esquivias IV. May P75,000 premyo naman ang winning breeder na si Hermie Esguerra.

Napaboran ang Pantukan sa tagisan dahil sa tagumpay na nailista sa Philracom Juvenile Championship Cup noong Disyembre 9 matapos magdomina sa isang PCSO Maiden Race.

Ang Juvenile Championship title ng third choice na Boss Jaden sa bentahan ang kukumpleto sa mga malalaking stakes races na napanalunan sa taon.

Bago ito ay nagdomina ang Boss Jaden sa PCSO Maiden Race at sa dalawang Philracom Juvenile colts race.

Nadehado ang tambalan sa karerang ito dahil tumapos lamang ang Boss Jaden sa ikatlong puwesto sa 4th leg ng Philracom Juvenile Colts race at pumangalawa sa MARHO 2YO Colts race sa pagdadala ni Jonathan Hernandez.

Halagang P562,500.00 ang premyo ng Pantukan habang ang Be Humble ang pumangatlo para sa P312,500.00. Ang Alta’s Finest na nakasabayan sa unahan sa kaagahan ng karera ang pumang-apat sa pagdadala ni Rodeo Fernandez tungo sa P125,000.00 gantimpala.

 

Show comments