Magna Carta sasabak sa Binay Cup

MANILA, Philippines - Pangungunahan ng kabayong Magna Carta ang walong kabayo na maglalaban-laban sa 2nd Vice President Jejomar Binay  'Alay Sa Kawal Foundation Cup' sa Disyembre 29 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Opisyal na ipinalabas kahapon ng Manila Jockey Club Inc. ang talaan ng mga maglalaban-laban na 1,750m karera at ma-ngunguna sa hahamon sa premyadong kabayo na Magna Carta na sasakyan ni Jessie Guce ay ang imported horse Juggling Act ni Jonathan Hernandez.

Ang iba pang tatakbo ay ang 2011 Triple Crown Championship leg winner na  Hari Ng Yambo at Tensile Strength na sasakyan nina jockey JA Guce at Pat Dilema.

Kukumpletuhin ang mga kasali ng kabayong Botbo ni Kevin Abobo, Divine ni JPA Guce, Indy Hay ni Fernando Raquel Jr. at Righthererightnow ni RC Baldonido.

Inaasahang palaban ang Magna Carta dahil isa ang peso na ipinataw sa kanila ng Juggling Act, Tensile Strength at Hary Ng Yambo na nasa 55 kilos.

Huling tumakbo ang kabayong pag-aari ni Michael Dragon Javier sa PSCO Presidential Gold Cup pero naisuko ng Magna Carta ang titulong hawak noong 2011 nang maiwanan ng inaasahang Horse of the Year awardee Hagdang Bato.

Pero tumakbo ang kabayo sa 2,000m distansya bitbit ang pinaka-mabigat na 58 kilos.

May guaranteed prize na P1 milyon na ipamamahagi sa unang apat  na darating at handog ng Herma Farms at Stud Inc. Ang karerang ito ay isa sa 3-malalaking karera bago matapos ang 2012.

Show comments