PBA D-LEAGUE NLEX sigurado na sa semifinals

MANILA, Philippines - Sinelyuhan ng NLEX Road Warriors ang unang puwesto sa semifinals sa pamamagitan ng 89-76 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa huling laro ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa 2012 kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Pinangunahan nina RR Garcia at Ian Sangalang ang dalawang pamatay na run ng Road Warriors matapos ang huling pagdikit ng Gems sa 66-65, tungo sa dominanteng panalo.

Ito ang ikasiyam na tagumpay sa 10 laro ng tropa ni coach Boyet Fernandez para selyuhan na rin ang pagiging number one team sa eliminasyon.

 Bumaba ang Gems sa ikaapat na pagkatalo sa pitong laro at mahaharap sa must-win games para makaiwas sa maagang bakasyon.

Naunang nagpasikat ang Blackwater nang durugin ang Café France, 81-60, sa unang laro.

Sina Jeric Fortuna, Kevin Ferrer at Gio Ciriacruz ay may 13, 11 at 10 puntos para pangunahan ang Elite na nakatabla sa pahingang Big Chill sa ikalawang puwesto sa 5-2 baraha. Ang Bakers ay bumaba sa 4-3 at kasalo ng Cagayan Rising Suns sa ikaapat at limang puwesto.

 

Show comments