Paniamogan nagpasiklab

MANILA, Philippines - Nagpakilala si Philip Paniamogan nang gumawa ng career high na 26 puntos at ang Jose Rizal University ay nakapanorpresa sa Cagayan Valley Rising Suns gamit ang 103-100 panalo sa overtime kahapon sa  PBA D-League Aspirants’ Cup sa Emilio Aguinaldo College Gym.

Naipasok ni Paniamogan ang panablang tres sa regulation bago nagpa-kawala ng krusyal pang tres si John Villarias sa extention upang kunin ng Heavy Bombers ang ikalawang panalo matapos ang anim na laro.

“Kulang pa sa maturity ang team na ito kaya ang lagi kong sinasabi sa kanila ay dapat na maglaro kami ng magandang depensa. Ito ang nangyari sa overtime,” wika ni JRU mentor Vergel Meneses na nanalo kahit nawala ang 24-puntos na kalamangan at angat pa sa 77-60 matapos ang ikatlong yugto.

Ang panalo ay nagpanatiling buhay sa paghahabol ng koponan sa puwesto sa quarterfinals habang ang Suns ay bumaba sa 4-3 baraha.

Nagsolo naman sa ikalawang puwesto ang Big Chill matapos kunin ang ikalimang panalo sa pitong laro sa 88-68 dominanteng panalo sa Erase Xfoliant.

May 21 puntos si Terrence Romeo habang si Mar Villahermosa ay naghatid ng 19 para sa tropa ni coach Robert Sison na tinapos din ang dalawang sunod na pagkatalo na tinanggap sa huling dalawang laban.

May 19 puntos si Nate Matute para sa Erasers na bumaba pa sa ikalimang kabiguan laban sa dalawang panalo.

 

Show comments