LAS VEGAS --- Natalo sa isang laban o napabagsak ka ay hindi nangangahulugan na tapos na ang iyong boxing career.
Ito ang pahayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions matapos ang sixth-round KO loss ni Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez sa MGM Grand.
“Losing a fight, getting knocked out is not death, do you understand?” wika ni Arum sa mga reporters matapos ang Pacquiao-Marquez IV.
Iginiit ni Arum na hindi pa rin niya nakikitang malalaos na si Pacquiao at humihina na ang halaga nito sa merkado.
Sinabi ng promoter na malakas pa rin ang hatak ng Filipino world eight-division champion sa mga boxing fans sa buong mundo.
“You lose a fight, it doesn’t mean anything if you give the public what they want and you come back, and you should be as marketable as you were before,” ani Arum.
“Particularly in a fight like that, where everybody saw what happened: They were trading, trading, trading. Manny got caught in the end. Why should that affect anything?”
Ayon kay Arum, hindi malayong maitakda niya ang pang-limang upakan ng 33-anyos na si Pacquiao at ng 39-anyos na si Marquez sa susunod na taon.
“Why not? People love this action. This fight will go down in history as a ring classic. If they want to fight again, why not?” sabi ni Arum.
Samantala, kaagad na nakalabas ng ospital si Pacquiao matapos sumailalim sa isang CT scan.
“Okay naman, ayos naman ang lahat,” ani Pacquiao “Galing na kami sa ospital at wala namang diperensya.”
“Sa larangan ng sports, may panalo at may talo. Dapat handa ka rin na tanggapin kapag dumating na ang panahon na talo.”