MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, muling hiniling kay Manny Pacquiao ng kanyang asawang si Jinkee Pacquiao at inang si Mommy Dionisia na magretiro na sa pagboboksing.
“Kung ako lang talaga ang tatanungin, gusto ko nang mag-retire si Manny,” wika ni Jinkee sa isang panayam kahapon.
Pinabagsak ni Juan Manuel Marquez si Pacquiao sa sixth round sa kanilang pang-apat na paghaharap sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ilang minutong nanatiling nakadapa ang Sarangani Congressman makaraaang tamaan ng right hand ni Marquez.
Sa panayam naman ng Radio dzMM, napaiyak si Mommy Dionisia nang matalo si Pacquiao.
“Tama na. Kung ako magdedesisyon, gusto ko nang magpahinga siya,” wika ni Mommy Dionisia.
Ayon kay Mommy Dionisia, mas mabuti pang tutukan na lamang ni Pacquiao ang kanyang trabaho bilang Congressman ng Sarangani.
Sa social media, nagulantang ang mga Pinoy nang mapanood ang kabiguan ni Pacquiao.
Ang hashtag na #ManaloMataloManYoureStillTheBestPacman ang nanguna sa trending topics sa Pilipinas, samantalang ang #FilipinoPride ang top trending topic sa buong mundo.
“Heartbreaking. First time ko s’ya nakitang na KO,” sabi ni Twitter user @deSuperDee.
“Nakakasad naman ang nangyari kay Pacquiao,” ani Christian Patiga sa Twitter.