40th PCSO Presidential Gold Cup pakakawalan sa Disyembre 9 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite

MANILA, Philippines - Kung may isang karera sa taong ito na tiyak na aani ng atensyon ng ba­yang karerista, ito ay ang ma­gaganap na 40th Phi­lip­pine Charity Sweepsta­kes Office (PCSO) Pre­sidential Gold Cup sa Dis­yembre 9 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ang karerang ito ay ini­aalay sa Pangulo ng ban­sa at itinataguyod ng PC­SO na naglaan ng ka­bu­uang P5 milyon bilang pa­premyo.

Ito ang pinakamala­king stakes race sa taon at ang mananalo ay mag­bi­bi­gay ng kabuuang P3 mil­yong piso.

Tututukan ang karerang ito dahil magtatapat sa unang pagkakataon ang dalawang premyadong ka­bayo na dinodomina ang mga nilalahukang ka­rera.

Sa isang dulo ay ang Hag­dang Bato, ang nag­de­depensang kampeon ng karera at nanalo sa dalawang sunod na Silver Cup na pakarera rin ng PCSO.

Ang hahamon ay ang 2012 Triple Crown champion na Hagdang Bato na hindi pa natatalo matapos ang walong karera sa taon.

Sa 2000-metrong dis­tansya gagawin ang la­banan at ang magiging bentahe ng Hagdang Bato na sasakyan pa rin ni Jo­na­than Hernandez ay ang 54.5 kilos na magaan na timbang.

Ang Magna Carta ay sa­sakyan ni Jessie Guce at may 58 kilos handicap weight bilang nagdede­pen­sang kampeon.

Ang iba pang nagpatala sa karera ay ang Purple Ribbon ni Val Dilema (54.5), Pleasantly Perfect ni Pat Dilema (54.5), Tensile Strength ni Jeff Zarate (55), Chevrome (54.40, Steel Creation (54.5) at Cin­derella Kid (54.5).

Bagamat ang ibang ka­lahok ay puwedeng ma­kapanilat, tiyak naman na papasok sa magandang kon­disyon ang Magna Car­ta at ang Hagdang Ba­to na pag-aari nina Mi­chael Dragon Javier at Man­daluyong City Mayor Benhur Abalos.

Parehong galing sa pa­nalo sa kanilang tune-up races ang dalawang ka­bayo at ang Magna Carta ay kapapanalo lamang sa Amb. Eduardo Cojuangco Cup na inilagay sa 2,000m at gumawa ng ti­yempo na 2:06.6.

Sa kabilang banda, ang Hagdang Bato ay nag­kampeon sa 1,600m MAR­HO Colt Mile race sa naisumiteng 1:43.6 ti­yempo.

Ang papangalawa sa da­tingan ay kakabig din ng magandang P1 mil­yong premyo,  habang ang pa­pangatlo ay mayroong P500,000 at P300,000 ang mai­bubulsa ng kabayong kukumpleto sa unang apat na puwesto.

 

Show comments