Kailan kaya tayo magkakaroon ng ipagmama-laking Pinoy na naglalaro sa NBA?
Natapos ang pangarap nating ito nang i-waive ng Sta. Cruz Warriors si Japeth Aguilar.
Sino naman kaya ang susunod na magtatangkang Pinoy player sa NBA?
Magkakaroon pa kaya ng katuparan ang pangarap nating magkaroon ng Pinoy sa NBA?
Dangan kasi’y ang layo ng brand ng basketball sa NBA sa basketball dito sa atin.
Sa height pa lang, mahihirapan na tayo. Iba rin ang kanilang style at sistema.
Kaya kung mayroon mang mapalad na Pinoy na makakapasok sa NBA, talagang ipagmamalaki natin.
Ibig sabihin nito ay talagang napakagaling ng taong ito para makapasok sa NBA.
***
Dumating sa bansa si Brian Viloria na walang kaingay-ingay.
Walang motorcade o kung ano mang gimmick sa pagdating niya.
Kagagaling lang niya sa panalo kay Hernan Tyson Marquez.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ni Viloria. Siya na ngayon ang bagong unified WBO at WBA flyweight champion.
Kung hindi ninyo nalalaman, matagal na panahon na nang huli tayong nagkaroon ng unified champion.
At mahusay ang kanyang ipinakita sa laban kung saan na-TKO niya si Marquez sa 10th round na para sa kanya, ito ay ang kanyang pinakamagandang performance sa kabuuan ng kanyang career.
Makailang beses niyang napabagsak si Tyson, tatlo sa 10th round.
Mayroon na siya ngayong 32-3 win-loss record kabilang ang 19 knockouts.
Hindi ba ito dapat iselebra ng mga Pinoy?
***
Si Manny Pacquiao, kahit nung natalo siya kay Timothy Bradley, may preparasyon. Pero si Viloria, hindi naramdaman ang kanyang pagdating.