Maraming isasampang kaso si GTK kung...

MANILA, Philippines - Katakut-takot na kaso ang handang isampa ni athletics president Go Teng Kok sa Philippine Olympic Committee (POC) sakaling hindi siya payagang patakbuhin sa gaganaping POC election sa Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.

Binitin ng tatlo-kataong election committee ng POC ang desisyon sa kung papahintulutan ba o hindi na makasama si Go sa halalan na kung saan balak niyang harapin sa one-on-one showdown si Jose Cojuangco Jr. para sa pampanguluhan ng National Olympic Committee (NOC).

Ang election committee na pinangungunahan ni Victorico Chavez at mga kasaping sina Ricky Palou at Bro. Bernie Oca ay hindi naglabas ng desisyon sa problema noong Huwebes. Sinasabing sa Lunes pa ipaaalam ang kanilang naging hukom.

“Kaya kong kumuha ng Temporary Restraining Order (TRO) anumang oras na gustuhin ko dahil ang Supreme Court na ang nagdesisyon in my favor,” wika ni Go.

Kumatig ang Korte Suprema sa naunang desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) na nagsabing ilegal ang deklarasyon kay Go patungkol sa persona non grata ng POC General Assembly matapos ang ‘di pagtugon ng legal counsel ng POC sa mga katanungan ng SC.

Nagsabi ang Pasig RTC na hindi makatuwiran ang persona non grata dahil hindi binigyan ng due process ang akusado.

Delaying tactics kung ituring ni Go ang ginagawa ng komite pero palalampasin pa niya ito hanggang sumapit ang araw ng Lunes.

“Kung hindi sila magdedesisyon, talagang wala silang balak na patakbuhin ako dahil sa 30 na ang eleksyon. Wala na rin akong magagawa kungdi ang lumapit sa korte para sa TRO,” ani pa ni Go.

Isinantabi rin ng kontrobersyal na pangulo ng National Sports Association (NSA) ang panakot ni Cojuangco na hindi nila susundin ang ruling dahil mas malaking problema ang kakaharapin ng POC hindi lamang sa Supreme Court kungdi maging sa isipan ng mga taong sumusubaybay sa ikinikilos ng POC.

“Tiyuhin siya ng Pangulong Aquino at sinasabi niya na huwag sundin ang utos ng SC,” banat pa ni Go.

Kung walang desisyon na lalabas sa Lunes, agad na tutungo si Go sa Korte kinabukasan para humingi ng TRO na sa kanyang paniniwala ay saktong lalabas sa araw ng halalan.

Bukod sa TRO, kasong contempt at paghingi ng danyos ang handang itulak ni Go dahil sa patuloy na pagpahiya sa kanya ng POC gayong deklarado na ng korte na hindi ito makataru-ngan.

 

Show comments