CEBU, Philippines - Bakbakan ngayon ng apat na koponang nasa ibabaw ng team standings ng 2012-13 PBA Philippine Cup elimination round sa Smart Araneta Coliseum kung saan hangad ng San Mig Coffee at Rain or Shine na samahan ang two-time defending champion Talk ‘N Text na pasok na sa playoffs.
Ambisyon ng Elasto Painters ang ikalawang quarterfinals berth sa laban nito kontra sa Meralco sa alas-5:15 ng hapon samantalang pormal na makapasok sa quarterfinals din ang nais ng Mixers sa alas-7:30 ng gabing laban kontra sa Tropang Texters.
Nasa ibabaw pa rin ng standings ang TNT sa 8-2 panalo-talo na sinusundan ng 7-2 ng San Mig Coffee, 7-3 ng Rain or Shine at 5-4 ng Meralco.
Bukod sa siguradong lugar sa playoffs, naggigitgitan din ang mga nasabing koponan para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Nais ding makaganti ng Meralco at San Mig Coffee sa Rain or Shine at Talk ‘N Text, ayon sa pagkakasunod, matapos matalo sa kani-kanilang mga unang paghaharap sa kasalukuyang elimination round.
Tinambakan ng Elasto Painters ang Bolts, 106-81 sa pangalawang laro ng isang tripleheader sa Big Dome noong Nov. 4 samantalang nagwagi naman ang Tropang Texters sa Mixers, 85-74 noong Oct. 20 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tandang-tanda pa ni San Mig Coffee head coach Tim Cone ang pagkatalong iyon at umaasa itong isang magandang simula lamang ang kailangan para hindi na maulit iyon at makaganti sila sa TNT.
“TNT really jumped out quickly against us in our last meeting and that really set the tone for the whole game,” ani Cone na tinutukoy ang 26-9 simula ng Tropang Texters sa unang anim na minuto ng larong iyon.
“We’ve got to come out with a little more readiness this time around. They’re just too good of a team to fall asleep on,” dagdag pa nito isang araw bago ang laban ng dalawang coaches na huling nagtala ng Grand Slam sa liga.
Ang San Mig Coffee ang pinakamainit na koponan sa conference sa kanilang kasalukuyang five-game winning streak. Ang huling tinalo ng Mixers ay ang Barako Bull na kanilang tinambakan, 93-73 noong Biyernes sa Ynares Center sa Antipolo City, isang larong napanood ni Talk ‘N Text head coach Norman Black dahil tinalo ng kanyang Tropang Texters ang Meralco, 109-98 sa pangalawang laro. “You don’t know how good this win felt for us especially because we are going to face San Mig Coffee next,” pahayag ni Black pagkatapos ng panalo sa Bolts.