Balikatan pa rin ang labanan para sa Imported Horse of the Year kaya naman kung sinong imported runner ang mananalo sa Amb. Danding Cojuangco Jr. Cup ngayon ay medyo makalalamang na para sa prestihiyosong award.
Pitong imported horses ang kasali sa malaking event na ito na itinuturing na kampeonato ng mga imported na kabayong 4-taon pataas at ang mga ito’y kinabibilangan ng Botbo – Kelvin Abobo 55; Divine – Paolo Guce 53; Indy Hay – Val Dilema 54; Juggling Act – Pati Dilema 57; Striding Ahead – Jonathan Hernandez 55; Next Big Thing – Fernando Raquel Jr. 56; at Sliotar – Jordan Cordova 53.
Apat na legs na ang natapos sa Imported-Local Challenge Stakes Series ng Philracom at lahat ng mga ito’y magkakaiba ang mga nananalong kabayo.
Si Doña Nenita ang nagkampeon sa unang leg noong Pebrero 12 kung saan ang mga tinalo nito ay ang Next Big Thing, Rain Shower, Yes Pogi, Merry, at Indy Hay.
Bumawi naman ang Rain Shower sa second leg nang pagharian nito noong Abril 1 kung saan tinalo niya ang Botbo, Doña Nenita, Juggling Act, Indy Hay, Lady Pegasus at Next Big Thing, ayon sa pagkakasunod.
Noong Agosto 5 naman ay ito namang Born Tycoon ang nakasilat at ang mga tinalo nito ay ang Striding Ahead, Botbo, Rain Shower, Indy Hay at Doña Nenita.
Nitong Setyembre 30, magaan na nanalo naman ang Juggling Act at ang mga tinalo nito ay kinabilangan naman ng Next Big Thing, Lord Gee, at Striding Ahead.
Sa Japan Racing Association Cup noong Agosto 19 ay itong Next Big Thing naman ang namayani at ang mga tinalong kabayo ay ang Botbo, Si Señor, Divine, Tigerous Queen, Striding Ahead, Born Tycoon, Arvindugo, Katipunera, at Sliotar.
Magaan din ang panalo ng Botbo sa Golden Girls Stakes noong Oktubre 7 nang talunin nito ang Divine, Rain Shower, Born Tycoon, Sliotar, Tigerous Queen at Doña Nenita.
Sa nakita nating ito, talagang mahihilo ka kung sino ang ipantatapat mong imported para manalo laban sa tatlong mala-lakas na local horses na Hagdang Bato, Humble Riches at Magna Carta sa malalaking karera ngayon.
Pero, kung sakali mang makalusot ang isang imported na manalo sa Danding Cup, malaki na ang pag-asang ito na ang tatanghaling na Imported Horse of the Year.