MANILA, Philippines - Sa hangaring mabigyan ng dagdag na lakas ng loob ang kanyang kababayan, personal na panonoorin ni Manny Pacquiao ang unification fight ni Filipino world flyweight champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria laban kay Mexican flyweight titlist Hernan ‘Tyson’ Marquez sa Linggo sa LA Sports Arena sa Los Angeles, California.
Ang Filipino world eight-division king na si Paquiao ay uupo sa ringside at magsisilbing commentator para sa GMA Channel 7 at sa Mexican broadcast station na Azteca 7.
Ilang beses nang nagkasabay sa pagsasanay ang 33-anyos na si Pacquiao at ang 31-anyos na si Viloria sa Wild Card Boxing Gym ni chief trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.
Naniniwala si Pacquiao na maaagaw ni Viloria ang suot na WBA flyweight belt ng 24-an-yos na si Marquez para idagdag sa kanyang bitbit na WBO title.
Dadalhin ni Viloria ang kanyang 31-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 18 knockouts, habang hawak ni Marquez ang kanyang 34-2-0 (26 KOs) card.
Nasa undercard ng Viloria-Marquez unification fight ang non-title bout nina Filipino Drian Francisco (23-1-1, 18 KOs) at Mexican Javier Gallo (18-5-1, 10 KOs).
Nakatakda ring manood ng naturang boxing event sina dating world heavyweight champion Larry Holmes, sina da-ting Mexican champions Julio Cesar Chávez at Marco Antonio Barrera.
Sina Chavez at Barrera ay kasama sa TV Azteca broadcast team.
Manonood din sina three-time welterweight world champion Antonio ‘Tijuana Tornado’ Margarito at women’s Mexican champion Jackie ‘The Princess’ Nava.