MANILA, Philippines - Muling naging puwersa sa ilalim si 6-foot-7 center Raymund Almazan para makabangon ang Cagayan Valley Rising Suns mula sa unang pagkatalo sa pamamagitan ng 85-70 panalo sa Café France sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Arellano University gym sa Legarda, Manila.
Naghatid ng team high na 15 puntos, 16 rebounds at 6 blocks si Almazan para sa Rising Suns na ibinaon ang Bakers sa third period patungo sa kanilang 3-1 record.
Angat ang Cagayan, 47-44, nang maghatid ng apat na puntos si Almazan, habang tig-isang tres ang ginawa nina Adrian Celada at Mark Cruz para sa 15-3 palitan tungo sa 62-47 iskor.
May 19 puntos si Mike Parala para sa Bakers (1-1).
Ito dapat ang ikalawang sunod na pagkatalo ng koponan pero binaligtad ang 82-88 kabiguan sa Fruitas dahil sa paggamit ng ilegal na player ng huli.
Sinungkit din ng Erase Xfoliant ang kanilang ikalawang dikit na panalo sa 79-68 iskor laban sa Informatics sa inisyal na laro.
Bumandera si Nate Matute sa 12-2 run nang maghatid siya ng pitong puntos para sa kanilang 40-33 abante.