MANILA, Philippines - Dumulog ang kampo ni Edrin Dapudong sa pangulo ng International Boxing Organization para ihingi ng hustisya ang kontrobersyal na pagkatalo ng Filipino boxer kay Gideon Buthelezi ng South Africa.
Matatandaan na nilabanan ni Dapudong si Buthelezi sa Emperor’s Palace sa Gauteng, South Africa noong Linggo para sa bakanteng IBO super flyweight title at kahit na dinomina niya ang dating two-division champion at napatumba sa ninth round ay napagkaitan siya ng panalo ng dalawang hurado.
Ang kababayan ni Buthelezi na si judge Tony Nyangiwe ay naggawad ng 115-112 iskor, habang si Michael Pernick ng Miami, Florida ay may 115-113 iskor.
Si judge Reg Thompson ng Great Britain ang pumanig sa 26-anyos na si Dapudong sa dikitang 114-113.
“I am preparing a formal letter addressed to IBO president Ed Levine asking for a review of the video tape of the fight,” wika ni dating North Cotabato governor Manny Piñol na tumutulong kay Dapudong.
Nasa ringside din si Piñol sa araw ng laban kasama ang promoter na si Aljoe Jaro at nakita rin niya ang pagkakamali sa iskoring ni Pernick sa ninth round.
Bumagsak sa naturang round si Buthelezi pero ang iskor ni Pernick ay 10-9 sa halip na 10-8.
“I am also seeking sanctions against American judge Michael Pernick who scored the 9th round, when Buthelezi was knocked down, 10-9 instead of 10-8. We believe we stand on solid ground and we are asking the IBO for a rematch,” dagdag ni Piñol.
Ikalawang tangka ito ni Dapudong sa titulo matapos noong Hulyo 2, 2011 nang matalo kay Mexican Hernan Marquez.