MANILA, Philippines - Nag-init sina Jett Vidal at Nate Matute para tulungan ang Erase Xfoliant na bumangon mula sa bangungot na panimula tungo sa 91-78 panalo laban sa Cagayan Valley Rising Suns sa PBA D-League Aspirants’ Cup kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Gumawa sina Vidal at Matute ng 22 at 20 puntos habang si Jovit Mendoza ay naghatid pa ng 19 para dominahin ng Erasers ang laban upang maibaon sa limot ang 71-101 pagkadurog sa nagdedepensang NLEX Road Warriors.
“Sobrang sama ng loob ko dahil first time ako natambakan ng ganoon. Kaya talagang pinagpursigihan namin na makabangon sa la-rong ito,” wika ni Erasers coach Aric del Rosario.
Lumayo ng 11 puntos sa first period, 27-16, nanakot ang Suns nang dumikit sila sa tatlo na huling nangyari sa 51-48.
Pero tumira ng anim na sunod na puntos si Mendoza, may dalawang tres si Vidal at isang free throw pa si Matute para sa 68-58 kalamangan ng Erasers.
Si Mark Bringas ay may 23 puntos para pangunahan ang tatlong Suns na tumipak ng mahigit sa12 puntos pero naramdaman nila ang kawalan ng puntos ni James Forrester nang maputol ang kanilang impresibong 2-game winning streak na simula sa torneo.
Sinandalan naman ng Big Chill ang malakas na paglalaro sa ikalawang yugto tungo sa 74-63 tagumpay sa pinalakas na Blackwater sa ikalawang laro.
Kumawala ng 21 puntos ang Super Chargers sa nasabing yugto kasabay ng paglimita sa siyam lamang sa Elite para hawakan ngayon ng tropa ni coach Robert Sison ang liderato sa 11 koponang liga sa 2-0 baraha.
May 18 puntos si Terrence Romeo habang nagsanib sa 25 puntos sina Janus Lozada at Mar Villahermosa para sa Big Chill na nakalusot lang sa Jose Rizal University, 77-76.
May 12 puntos ang beteranong si Allan Ma-ngahas pero nangapa pa sa tunay na porma ang mga matitinik na sina Jeric Fortuna, Karim Abdul at Justin Chua na nagsama-sama lamang sa walong puntos.