MANILA, Philippines - Lumabas uli ang husay ng Hari Ng Yambo nang dominahin ang nilahukang karera sa pagtatapos ng pista sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite noong Linggo.
Ang regular na hineteng si JA Guce uli ang sumakay sa kabayo at ang 2011 Triple Crown leg winner na Hari Ng Yambo ay nanalo sa idinaos na Philracom Handicap Race (E) na pinaglabanan sa 1,400m distansyang karera.
Kinuha ng nanalong kabayo ang pinaglabanang distansya sa bilis na 1:26.8 sa kuwartos na 12’, 24, 24, 26, para mapangatawanan din ang pagiging outstanding favorite sa limang naglaban.
Ang La Furia Roja na ginabayan ni jockey Rodeo Fernandez at may pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos ang second choice at naunang lumamang habang nakasunod ang Carriedo at Hari Ng Yambo.
Ang Sliotar na sakay ni NK Calingasan at third choice sa karera ang pumangalawa at kapos ng halos limang dipa bago tumawid ang Indy Hay. Ang mga naunang nagdomina na La Furia Roja at Carriedo ay napagod nang husto at tumawid sa ikaapat at limang puwesto.
Hinangaan naman ang lakas sa pagremate ng nadehado pang Tritanic matapos manalo kahit nalagay sa pang-apat na puwesto sa rekta sa Philracom Handicap Race D na inilagay din sa 1,400m distansya.
May 1:27 saradong tiyempo sa kuwartos na 12’, 23’, 24’, 26’, ang nanalong kabayo na sakay ni jockey Antonio Alcasid Jr. para mahigitan ang pangatlong puwestong pagtatapos na nakuha ng tambalan noong Oktubre 20.
Malayo sa bentahan, ang win ng Tritanic ay nagpasok ng P63.00 habang ang 3-5 forecast ay may P452.00 dibidendo.