EA Regen Med tangkang bumangon
MANILA, Philippines - Pag-iinitin uli ng baguhang EA Regen Med ang kampanya sa PBA D-League Foundation Cup sa pagharap sa Cagayan Valley ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Matapos ang magarang 83-58 pagdurog sa Hog’s Breath, lumasap ng magkasunod na talo ang Team Delta sa kamay ng Boracay Rum, 75-85, at Café France, 92-107.
Sa 1-2 karta, dapat ay mahanap ni coach Vergel Meneses ang tamang kumbinasyon upang manalo uli ang koponan para mapasama sa anim na koponan na aabante matapos ang elimination round.
Sina Ian Sangalang at Jimbo Aquino ang mga aasahan para sa Team Delta laban sa Rising Suns na pilit na babangon matapos malusutan ng Big Chill, 92-93, sa kanilang huling laro.
Ang Superchargers ay magbabalak naman na makadalawang sunod na panalo sa 12-koponang liga sa pagharap sa Fruitas Shakers sa unang laro sa ganap na ika-2:00 ng hapon.
Nananalig si coach Robert Sison na handa na ang kanyang manlalaro na ilabas ang larong inaasahan sa kanila para makabawi matapos mapatalsik agad sa nakaraang conference.
“Maraming natutunan ang mga players sa mga naunang talo namin kaya’t naniniwala akong hindi na magbabago ang kanilang laro,†wika ni Sison.
Galing naman sa paglasap ng unang pagkatalo matapos ang tatlong sunod na panalo ang Fruitas kaya’t sukatan ng determinasyon ito para kay coach Nash Racela.
May 3-1 baraha ang koponan at mananatili sila sa solo ikalawang puwesto kung mananalo pero isusuko ang hawak na puwesto kung matatalo sa Big Chill.
- Latest