MANILA, Philippines — Ang mga jeepney drivers na noon ay namamalimos sa kasagsagan ng COVID-19
Minsan pa ay pinatunayan ng Pang Masa (PM) na ang kontribusyon nito sa hanay ng mga mambabasa sa diyaryong tabloid ay tunay na hindi nabibilang sa numero o gaano na ito katagal sa industriya partikular na sa panahong nahaharap ang bansa sa COVID-19 pandemic.
Ang PM ay pumaimbulog sa kasaysayan magdadalawang dekada na kung saan nagdiriwang ito ng ika-18 taon nitong anibersaryo ngayong araw (Disyembre 8).
Naging kaagapay ng mambabasa ang PM sa paghahatid ng mga sariwang balita simula ng mailimbag ito hanggang sa pinakamatinding pagsubok na gumimbal sa buong mundo sa pagharap sa hamon ng krisis sa kalusugan.
Nagpapasalamat ang diyaryong ito sa patuloy na pagtangkilik ng mga mambabasa na naging bahagi na ng libangan ng mga masugid nitong tagasubaybay partikular na ang hanay ng mga maralita.
Tunay na kapupulutan ng kaalaman ang mga balita sa Pang Masa mula sa naglalakihang mga kaganapan sa halos lahat ng dako ng Pilipinas mula Aparri hanggang Jolo sa mga sariwang balita, libangan at maging sa sports o palakasan.
Sa panahong ito, mainit na pinag-uusapan ang presidential elections at kung paano mangangampanya sa panahon ng pandemya. Dito’y papasok na rin ang online campaigning ng mga kandidato, interbyu via zoom at pakikipag-ugnayan sa mga netizens partikular na sa mga botante sa pamamagitan ng online platform. Makakaasa ang mambabasa na ihahatid ng PM ang mga sariwang kaganapan sa inaabangang presidential elections.
Dito’y muling papatunayan ng PM na maililinya ito sa mga nangungunang tabloid sa industriya ng diyaryo sa pagtutok sa mga balita at maihatid ito sa publiko.
Ang PM ay magsisilbing boses ng katotohanan upang magkaroon ng gabay ang mga Pilipino na makapili ng karapatdapat na Pangulo na ihahalal at iluluklok sa posisyon.
Kani-kaniyang gimmick sa pulitika ang mga kandidato, pasiklaban habang may ilan ding ipinapakita ang pagmamahal sa bayan at hangaring baguhin ang sistema ng pamamalakad sa gobyerno na nabahiran ng garapalang korapsyon.
Ang mga presidentiables ay tututukan ng diyaryong ito ang mga galaw, pangako sa bayan at kung may tibay na masasandigan ang mga Pinoy sa ilalantad na plataporma sa gobyerno ng iluluklok na lider lalo na sa nasyonal na isyu kabilang na ang pagtatanggol sa soberenya ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Gayundin sa pagrekober ng ekonomiya na matinding naapektuhan ng COVID at patuloy na pagtugon sa krisis sa kalusugan kabilang ang mga nagsulputang bagong variants ng virus mula Delta variant at ngayon naman ay ang Omicron na kumakalat sa South Africa habang may mga kaso na rin nito sa Botswana, Eswatini, Lesotho, Namibia at Zimbabwe.
Sa panahon ng pandemya, maraming pamilya ang dumaing ng gutom dahilan sa mga nawalan ng trabaho at ‘di sapat ang ayuda na galing sa gobyerno.
Sa halos 2 taong lockdown, maraming mga negosyo ang nagsipagsara habang ang sektor ng turismo ang matindi ring tinamaan ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito nag-shutdown din ang ilang mga hotel at hindi na normal ang pamumuhay ng mga Pilipino na patintero sa virus para buhayin ang kanilng pamilya ika nga sa gutom mamamatay at hindi sa COVID-19.
Isa rin sa mainit na paksa sa mga balita ng PM ay ang serye ng pagsirit ng presyo ng gasolina kung saan maging ang mga pangunahing bilihin ay sumunod na ring nagsipagtaas na dagdag pasanin sa mga mahihirap.
Samantalang ang pagbaha ng mga smuggled na gulay galing China sa mga lokal na merkado ay nagpabagsak naman sa hanapbuhay ng mga lokal na magsasaka.
Ilan lamang ang mga kaganapang ito sa matinding tinutukan ng PM sa panahong binago ng pandemya ang pamumuhay ng mga tao.
Abalang abala ang mga medical frontliners sa mga pasyente ng COVID-19
Sa kabila ng pandemya, nasaksihan ang pagtutulungan ng mga Pinoy sa pamamagitan ng inilatag na mga community pantry.
Ang mga puslit na sibuyas na galing China na nasabat ng Bureau of Customs.
Mahina na raw ang diyaryo? Hindi sa mata ng Pang-Masa
Ni June g. Trinidad
Labing walong taon na ang diyaryo ng masa ang PM (Pang Masa), kumbaga sa isang babae ay ganap na siyang dalaga at titingalain ng mga binata at liligawan.
Ganun din ang diyaryong PM, sa 18 taon nitong sirkulasyon ay patuloy na lumalakas at nagpapatuloy sa kabila ng pandemya.
Marami ang nagtataka kung may bumibili pa ng diyaryo sa panahon na high tech na ang mundo.Ang sagot ko ay oo.
Kasi kung walang tumatangkilik ng diyaryo ay matagal na itong nagsara. Marahil sa patnubay ng Diyos at mga tao na nasa likod ng pagpapatakbo ng PM ay patuloy itong tinatangkilik ng masa.
Pero ang tanong ng ilang kakilala ko ay humihina na raw ba ang dyaryo? Ito kasing kakilala ko ay laging hawak ang kanyang cellphone para magbasa at manood ng balita na nangyayari sa ating kapaligiran sa pamamagitan ng internet.
Minsan nga bumibili ako sa tindahan ng pintura ay narinig ko ang isang kustomer na naghahanap ng diyaryo kasi hindi na raw uso ang diyaryo sabi ng tindero.
Kaya pala naghahanap ng diyaryo ay para lang ipansapin sa tulo ng pintura sa pagpipintura ng kanilang pader.
Hindi ako kumibo dahil alam ko may mga nagbabasa pa rin ng diyaryo lalo na yung mga jeepney driver na may diyaryo sa harap ng upuan na kung saan minsan ay nakikibasa ang mga pasahero na nakaupo sa harapan.
May nagtitinda pa rin ng mga diyaryo sa mga bangketa at may bumibili pa rin kahit na mabilis na access sa internet para sa balita na nais nilang mabasa kaya’t hindi dapat mangyari na mawala ang diyaryo lalo na ang tabloid dahil may mga balita na hindi naman lahat ay mababasa o makikita sa internet.
Pero, sa mata ng Pang Masa ay dapat pahalagahan ang mga diyaryo at tabloid na dapat magpatuloy upang maabutan pa ng mga susunod na henerasyon ang mga diyaryo na kinagisnan.
Hindi dapat iasa lagi sa internet ang mga mababasang balita dahil hindi lahat ay totoo o tinatawag na “fake news” dahil darating ang araw ay hahanapin din ang ganitong mga bagay.
Hindi masama ang pag-unlad ng teknolohiya o kagamitan dahil ang mahalaga ay hindi malimutan ang makalumang pamamaraan ng pagbabalita na kinagisnan ng ating mga magulang alang-alang sa bagong henerasyon.
Kahit na nasasapawan na ng mga bagong teknolohiya ang makalumang pamamaraan ng paghahatid ng balita ay maaasahan at mapapakinabangan pa rin ang pagbabasa ng diyaryo sa mata ng Pang-Masang Pinoy at ‘wag hayaang itong mawala.
Kaya ngayong 18 taon na ang PM ay tiyak ko na ang mga tabloid tulad nito na magpapatuloy sa sirkulasyon kahit na pabagu-bago ang teknolohiya sa mundo.
Patuloy pa rin ang pagbebenta ng diyaryo sa bangketa
Dahil sa bagong teknolohiya ay sa cellphone o laptop na langnagbabasa ng balita ang ilan nating kababayan lalo na yung may mga internet sa kanilang bahay.
Pang-Masa: ‘Ganap’ nang palaban, maaasahan
Ni Jo Cagande-Reducto
Masasabing ganap na sa kanyang kasibulan ang isang dilag pagtuntong ng ika-18 taon, ngayong 2021 sa kanyang aktibong sirkulasyon at ‘di natitinag na palaban at maaasahan ang mga impormasyon, ang PM (Pang-Masa) ay ganap na ngang tumatak sa dumarami pang mga mambabasa nito.
Sinong mag-aakala na ang hamong hinarap at nalampasan ng PM sa kanyang pagiging baguhang tabloid nang una itong humilera sa mga pahayagan noong 2003 ay bahagi pa rin ng sirkulasyon sa kasalukuyan at kabilang sa nakikipag-girian sa hambalos ng pandemya.
Sa ekspresyon nga ng mga kabataan, “konting kembot na lang”…doble na ang dekadang mamarkahan ng PM. Maniniwala ba kayo na ang hinahangaan at madalas ay ginagayang pahayagang ito ay nagsimula lang sa pangarap.
Ang ama ng Star Media Group na si Boss Miguel Belmonte, Pres/CEO ang nasa likod ng pangarap. Sa simula, hangad niya ang isang pahayagang pang-hapon pero mas minabuti niya na magkaroon ng isa pang pahayagan na makakasabay ng Pilipino Star NGAYON.
Kaya naman ipinanganak ang PM, na minsan din binansagang Panganay ni Miguel.
Ang matinding kompetisyon sa hanay ng tabloid ay hindi naging madali sa noo’y baguhan pa lang na PM. Pero buo ang determinasyon ng buong patnugutan nito, mula sa mga section editors, reporters, photojournalist kasama ng production section, sa ilalim ng hurisdiksiyon ng unang Editor-in-Chief na si Al Pedroche, naitawid ang bawat mapanghamong mga taon sa pagsisimula ng PM.
At ngayon sa kanyang ganap na estado bilang palaban at maaasahang pahayagan sa pangangasiwa ng humaliling si Ma’am Jo Lising-Abelgas bilang Editor-in-Chief ay nagpapatuloy ang PM sa kanyang layunin kahit sa gitna ng krisis ng pandemya.
Naalala ko lang, kasama ang inyong lingkod sa sinasabing “Panganay ni Miguel”, pabirong bansag ng unang news section editor nito na si Sir Andi Garcia. Sa PM bilang correspondent ako nagsimula, CAMANAVA police beat. Katulad ng PM, baguhan din ako noon, fresh grad. Ipinapaabot ko po ang taus-pusong pasasalamat sa pagtitiwala at sa maraming karanasan na hanggang ngayon ay nagtuturo ng mahalagang aral sa akin.
Isang karangalan na maging bahagi ng inspiring humble beginning ng PM at sa patuloy na pamamayagpag nito sa sirkulasyon ng peryodiko sa kanyang ika-18 taon. More years to come, PM. Glory to God!
Angat pa rin ang PM na nakikipagsabayan sa mga datihang diyaryo sa sirkulasyon.