Lion niyakap ang rescuer

Kamakailan lang ay kumalat sa Internet ang video at istorya ng isang lion na umano’y na-rescue sa isang circus, taon na ang nakalipas at ngayon ay nasa pangangalaga ng Villa Lorena shelter sa Cali, Colombia.

Dinalaw ng rescuer na nagngangalang Ana Julia Torres ang lion na sandali rin niyang ina­lagaan at pinagaling. Sa naturang video, nasa loob ng malaking kulungan ang lion habang paparating naman si Ana Julia.

Nang makaharap na ng lion si Ana, agad nitong inilabas ang kanyang malalaking kamay sa kulungan at niyakap ng mahigpit si Ana. Dinila-dilaan din niya ang rescuer at makailang ulit na hinalikan.

Lahat ng tao sa nasabing shelter ay namangha sa kanilang nasaksihan. Tunay ngang may puso rin pala ang mga hayop at matalas ang memorya.

Nagsimulang mag-rescue ng mga hayop si Ana sampung taon na ang nakalipas matapos siyang regaluhan ng kanyang kaibigan ng kwago.

Show comments