Taong 1950’s nang makumpleto ng pintor na si Giovanni Bragolin ang isa sa mga nagawa niyang series ng painting na pinamagatan niyang The Crying Boy.
Ipinakikita sa mga nasabing painting ang larawan ng batang lalaking umiiyak na para bang mararamdaman mo ang kanyang hinanakit pag ito’y iyong tinitigan, pero ang tanong ng marami, sino nga ba naman ang gustong mag-display ng mga ganitong larawan sa kanilang dingding?
Sa kabila ng mga tanong na ito, naging popular pa rin ang painting sa buong mundo at nakabenta sa UK nang mahigit 50,000 copies sold. Mahigit 60 paintings ang nagawa ni Bragolin sa nasabing The Crying Boy.
Hanggang early 80’s ay sinasabing kalat pa rin ang imahe nito at pinagpapasa-pasahan. Taong 1985 nang maglabas ang isang sikat na diyaryo sa UK ng isang balitang sumira sa pangalan ni Bragolin at ng kanyang The Crying Boy, sinasabi na ang painting daw ang may kasalanan kung bakit nasunog ang bahay ng dalawang mag-asawa. Ito lang daw kasi ang kaisa-isang gamit na intact pa rin at hindi nasunog, the rest ay naabo na. Lalo pang pinatindi ang akusasyon nang magsalita ang isang bombero na nagsasabing mahigit 15 na bahay diumano ang kanyang inapula at ang mga bahay na ito ay may painting ng The Crying Boy na hindi pa rin nasunog sa kabila ng tindi ng apoy.
Ayon sa usap-usapan, ang bata raw na nasa painting ay posibleng anak ng isang gypsy at nilagyan diumano ng mga magulang nito ng sumpa ang painting, meron ding bersyon na namatay daw ang bata sa isang sunog at na-trap ang kaluluwa sa painting. Pero ang pinakakilalang kuwento raw na alam ng lahat ay ang aksidente raw na nasunog ng batang lalaki ang studio kung saan ipinipinta siya ni Bragolin at kasamang nasunog doon ang kanyang mga magulang. Lumipat daw ang kaluluwa nito sa painting para maghiganti.