Isa ang pasta sa mga paboritong lutuin ng mga taong nagmamadali. Pagkatapos kasi nitong maluto ay maaari mo na itong ihalo sa paborito ninyong sauce.
Ganun pa man, ang iba sa atin ay hindi ganoon katiyaga sa tamang pagluluto ng pasta kaya marami ng nagkakamali.
Isa na rito ang paggamit ng maliit na lutuan. Inaakala kasi natin na mas makakatipid ka sa tubig at oras. Pero alam niyo ba na mas mapapatagal ka pa?
Una sa lahat, hindi kasya ang mahabang noodles sa maliit na lutuan kaya may posibilidad na putulin ito (na bad luck umano ayon sa mga Italyano). Bukod dito, ang temperature sa kumukulong tubig ay bababa kapag inilagay na ang maraming pasta na siyang dahilan kung bakit mapapatagal ang pagluluto dito.
Sa pagluluto ng pasta, siguraduhing tama ang laki ng lutuan sa dami ng pasta. Maglagay ng asin at kapag kumulo na, ilagay na ang pasta at ihalo hanggang sa maluto.