NANG mamatay ang apoy sa impiyerno at nabalot ito ng yelo, maituturing nang tapos ang puwersa ng kasamaan.
Ang bundok na banal ay tila ang naging langit ngayon. Napakaganda ng liwanag, ang tingkad-tingkad ng mga kulay sa buong bundok.
At ang lahat na napakaraming ibon sa ituktok at katawan ng bundok ay kaylalakas ng mga matatamis na awitin ng tagumpay at kaligayahan.
Sina Nanette at Arturo ay nasa banal na bundok na. Kasama ang mga naninirahang kakampi na sa kabutihan.
At si Pio. Ang prinsepe ng kadiliman na binago ng Diyos na pinakamakapangyarihan.
Kinuha Niya ang tanging anak ng haring demonyo. Para patunayan na kaya Niyang gawin ang lahat para sa pagtatagumpay ng kabutihan.
Lumuhod si Nanette. “Magdasal tayo para pagpuri ng kapangyarihan ng ating Diyos.”
Lumuhod na rin si Arturo. Sina Alona, Yawan, Yawanaya, Angela, Ariel at si Pio.
Sumunod sila sa bawat salita ng dasal ni Yawan.
“Pinakamabuting Diyos, pinakamakapangyarihan sa lahat, pinakamapagmahal...kami po ng aming buong puso at pagkatao ay buong-buong sumasamba sa inyo ... itong nakikita at nararanasan namin ngayon ay pagpapatunay lamang ng Inyong presensiya sa aming buhay ... mga milagrong nagbubukas sa aming mga mata ...”
Si Pio ay binabalot ng kapangyarihan ng kabutihan.
Nagtaka siya sa mga matang nababasa ng luha.
“M-marunong na akong umiyak! Masaya ako pero tinutuluan ako ng luha! Never pang nangyari sa akin na nakakaranas lumuha!”
Napangiti ang lahat.
At nagpaliwanag si Nanette. “Pio, mga luha ng kaligayahan ‘yan. Napapaligaya talaga ng presensiya ng Diyos ang iyong puso at isipan kapag niyayakap ka niya. Ibig sabihin, anak ka na ng banal na Diyos, Pio. Hindi ka na anak ng demonyo.”
Nagtataka si Pio. “Wala akong nararamdamang sakit sa pagkawalay ko sa aking ama.”
Nagpaliwanag uli si Nanette. “Dahil wala siyang itinanim sa iyo na pagmamahal kaya wala rin siyang inaani ngayon. Kasalanan niya iyon, hindi sa iyo.”
ANG ina ni Nanette na si Sheila at mga kapatid ay isa sa mga taong nakakaranas ngayon ng kaluwalhatian ng Diyos sa mundo. Alam nilang panalo ang puwersa ng kabutihan. At kung mauulit man ang pagkabuhay at panggugulo ng mga demonyo, hindi ito magtatagal, matatalo pa rin ng Diyos.
WAKAS