Pangalawang Anino (561)

Nawalan nga ng apoy ang buong impiyerno.

At unti-unting bina­balutan ng yelo.

Ginaw na ginaw, takot na takot ang mga demonyo.

Ang hari ay nagsisikip ang dibdib at lalamunan. Nanlalata. Napapatirik ang mga mata.

“H-hindi totoo ito ... nga-ngayon lang ito nangyayari ... bakit? Paano? Maya-maya ay nagtatarang na ang mga demonyo dahil hindi sila sanay sa lamig. Hindi nila natatagalang walang apoy ang impiyerno.”

“P-panginoon, tulu­ngan ninyo kami ...”

“Ibalik ninyo ang apoy ... utang na loob ... ibalik ninyooo!”

“Hindi ko kayang gawin ‘yan ... l-laos na ako!”

Ang mga ahas na demonyo ay kinaya pa ang gumapang palayo. Pero hindi naman sila makalabas.

Iba ang temperatura sa labas. Nagpapakapos din ng kanilang hininga.

SA bundok na banal ay lumakas na uli sina Yawan at Angela. Kapit-kamay silang tumakbo palapit kina Alona.

At nasaksihan nila ang transformation ni Pio. Sa pagiging alagad ng Diyos. Parang may kumikinang pa sa kanyang mukha.

Inosenteng-inosente ang expression. Tila sa isang bata na walang alam na kasalanan.

“Oy, ang galing! Parang ang bait-bait na ni Pio, o!”

Ngumiti si Alona. “Para ring ikaw, Yawan.”

“Okay na ba tayo rito, Inay?”

“Palagay ko. Wala na tayong nararamdamang panganib, hindi ba?”

KUMIKINANG din ang mukha ni Nanette at kitang-kita ito ni Arturo.

“Ano ang nangyayari? Ginagawa ka bang higit pa sa santo, Nanette?”

“Meron lang nangyayaring higit pa sa isang milagro, Arturo. May isang napakasamang puwersa na nag-transform sa pagiging mabuti.”

“Ano? Paano? Sino ito?”

“Royalty siya sa mga demonyo. Napakataas. Iyan ang bulong sa isip ko.”

“Panalo na ang kabutihan?”

“Ganoon na nga.”

“So malinis na ang mundo? Wala nang  magkakasala, wala nang hirap at pag-aaway?”

Natigilan si Nanette at nagpaliwanag. “Hindi matatapos ang laban ng kabutihan at kasamaan, Arturo. Magpapaulit-ulit lang. Pero magiging masaya na tayo kapag may ganitong panalo.”

Itutuloy

Show comments