Pangalawang Anino (549)
NAGKATINGINAN sina Alona. Sasabihin ba nila? Na posibleng may masamang puwersa sa kinagigiliwan nito ngayong bundok na banal?
Naisip ni Alona na masyado pang bagong gising sa napakagandang buhay si Yawan para sabihan ng posibleng problema.
“Ahm, normal na kuwentuhan lang ito, anak. Sige lang, i-enjoy mo pa ang buhay dito. Isang araw ka pa lang na malaya, magpakasaya ka muna.”
“Puwede po ba akong pumunta pa roon sa dulo? Baka may ibang mga tanim doon, e.”
“Oo, sige, anak ...”
Sumabad kaagad si Yawanaya. “Huwag. H-hindi muna.”
“Bakit hindi?” Natigilan si Yawan.
“Ahm, kuwan kasi, Yawan ... gusto lang kitang samahan. Kasi mas masaya naman kapag may kasama ka, hindi ba?”
Alam nina Ariel at Alona na nag-aalala lang si Yawanaya kaya gusto itong samahan.
Ang panganib na hatid ng hindi pa nila kilalang si Pio ay talagang siniseryoso na nila.
At alam nilang higit sa lahat ay dapat na si Yawan ang protektahan.
“Oo nga naman pala, anak. Pasama ka na kay Yawanaya. Kasi kabisado na niya ang lugar na ito, alam niya kung saan talaga ang mas magagandang bulaklak.”
Ngumiti na uli kaagad si Yawan. “O sige, gusto kong kasama si Yawanaya. Tena?”
“Tena, Yawan.” Napangiti rin na talagang masaya si Yawanaya.
Nami-miss niya ito. Makikipagbonding kay Yawan. Tulad noon. Pero ang kaibahan lang, bonding ng kabutihan, ng kabanalan.
Nagkapitan ng kamay si Yawan at ang kanyang pangalawang anino.
Nainggit naman bigla ang unang anino, si Angela. “Para kumpleto ... ano kaya kung isama n’yo rin ako?”
Napatingin pareho sina Yawan at Yawanaya kay Angela. Natigilan.
Saka sabay na napangiti.
“Ay, gusto ko ‘yan! Tama, talaga namang ako ang tao na may dalawang anino! Gusto kong magkaroon uli ng dalawang anino!”
“Nami-miss ko rin ‘yon, Angela. Na hindi lang ako ang anino ni Yawan. Dati, hindi ko naa-appreciate pero ngayon, nakikita ko na ang halaga mo. Na kumpleto uli tayo.” - ITUTULOY
- Latest