NABUHAYAN ng loob si Yawan.
Nabuhayan din ng puso.
Nang matagpuan ang tunay na si Arturo. Ang hindi niya alam, pekeng Arturo ang nakita at nakausap niya sa isla.
Nakinig siyang mabuti sa wrapping up ng TV reporter na nag-i-interview tungkol sa nangyaring aksidente.
“At mga kapuso, mula po dito sa Araneta Center, ang inyong kapuso, Bernadette Morales.”
Alam na niya kung saan pupuntahan si Arturo.
Hindi na siya masyadong maghahanap dahil tukoy na niya ang lugar.
Ang problema na lang niya ngayon ay kung paano makarating ng Maynila at sa lugar kung saan nagtatrabaho si Arturo nang hindi siya makikita ng mga tao at katatakutan o pandidirihan.
“Pero hindi ako papayag na mahahadlangan ako sa paghahanap kay Arturo. Para-paraan lang ‘yan.”
Naghanap siya ng bandana sa mga gamit na binili at ibinigay sa kanya ni Nanette.
Tuwang-tuwa siya nang makakita ng bandana, dalawa pa.
“Ang galing talaga ng kapatid ko sa ama. Alam niya ang mga gamit na kakailanganin ko. Pantakip ito ng abnormal kong kaanyuan!”
At hindi na niya pinagtagal pa. Suot ang bandana para maitago ang itsura, agad na siyang nag-abang ng bus.
Para makapunta nang Maynila.
NAMO-MONITOR pa rin naman ng hari ng kadiliman ang sitwasyon ni Yawan.
At kausap pa rin niya si Tagapag-alaga.
“Kahit pagkapangit-pangit na ng itsura, maghahanap pa rin ng lalaking mahal niya!”
“Paano ba ‘yan? Ang pag-ibig talaga ay walang sinisino. Nakakabobo. Pero iyan ang pinakapurong elemento na madalas ay hindi ninyo masakop.” Nagkomento si Tagapag-alaga.
“Pero ang sinumang alagad ko na naliligaw ng landas dahil sa lintek na pag-ibig na ‘yan ay kaya kong parusahan nang matindi. Para patinuin!”
“Paano mo parurusahan ang kadiring babaing ‘yan? Naiinip na ako! Gustung-gusto ko na siyang makitang nahihirapan! Paano kapag nagkita sila ng totoong Arturo eh de, lumigaya pa ‘yan!” - ITUTULOY