Pangalawang anino (84)

NAMILIPIT sa sakit si Yawan, pumuputok ang bawat bahagi ng balat na nawiwisikan ng banal na tubig.

“AAAAHHHHHH! Walanghiya ka, Nanette! Pag may pagkakataon, papatayin kitaaa!”

Pero ang nangwiwisik ng banal na tubig ay hindi si Nanette. Kundi si Inang Maria.

“Ikaw ang dapat mamatay! Mula nang dumating kayo dito sa lugar namin, nagmimis­tula nang impiyerno dito!”

Galit si Inang Maria. At mukhang hindi titigilan ang pagwiwisik ng banal na tubig kay Yawan hanggang sa mamatay ito.

Naawa naman si Arturo kay Yawan. “Tama na po, Inang Maria. Nakakaawa naman po kung mamatay siya, bata pa siya. Baka puwede pang magbago.

Tumigil saglit sa pagwisik ng banal na tubig ang matanda pero namimilipit pa rin sa sakit si Yawan.

Dahil ang mga naiwisik sa kanya ay patuloy na nananalanta sa kanyang katawan.

Kinausap muna ni Inang Maria si Arturo. “Hindi na siya magbabago. Ikinalulungkot kong sabihin na ipinanganak siyang may masamang kaluluwa. Sakop siya ng demonyo.”

“Kung nandidito po si Nanette, hindi po niya maaatim makita na papatayin ang kanyang kapatid.”

“Kapatid sa ama. Iba ang ina. Walang buti sa pagkatao si Alona kaya nanganak siya ng prinsesa ng demonyo.”

“Nakikiusap po ako. Patawarin n’yo na siya. Bigyan n’yo muna siya ng pagkakataon, Inang Maria.”

Hindi naman kasingtigas ng bakal ang puso ng matanda.

Lumambot agad ang kalooban nito. Hindi na ipinagpatuloy ang pagwisik ng banal na tubig.

Naghihilom naman kaagad ang mga balat ni Yawan na tinamaan ng banal na tubig.

Nawawala na sakit.

Tumalim ang mga mata ni Yawan pailalim na nakatingin kay Inang Maria. Wala siyang pakialam kahit banal ito.

Ang gusto lang niya ngayon ay mapatay o masaktan ang matandang dahilan ngayon ng dusa niya sa buhay.         

ITUTULOY

Show comments