MAAYUS-AYOS na ang lagay ni Father Basti, makakausap na. Umupo ito sa kama para makausap nang maayos sina Mario at Anna.
Si Father Basti, bilang may third eye din, nakikita at nakakausap si Anna.
“Talaga bang gusto ninyong marinig ang opinion ko? Nakahanda naman kaya kayo?”
“Father, hindi naman ho kami paparito sa inyo kung babalewalain namin ang inyong payo.”
“Pero hindi madaling tumanggap at gumawa ng payo na masakit, malungkot.”
Natigilan sina Mario at Anna. Napatingin sa isa’t isa.
Kinakabahan sila sa sinabi ng pari. Ano ba ang ipapayo nito? Bakit daw baka mahihirapan silang tanggapin?
“Father, kahit po ano ang sasabihin ninyo ay igagalang namin,” sagot ni Anna.
“At igagalang ko rin naman kung ano ang ipapasya ninyo sa payo ko. Tatanggapin ba o hindi na lang?”
Lalong kinakabahan ang mag-asawa sa maririnig na payo.
“Ano po ba ang maipapayo ninyo, Father Basti?” tanong ni Mario.
“Ang payo ko ay ganito ... na magkaroon kayo ng buong pagtitiwala sa Diyos.”
“May tiwala ho naman kami, Father. Buo.”
Umiling ang pari. “Pareho lang kayo nina Benilda. May paggalang sa Diyos, may pagmamahal din naman. Pero kulang sa tiwala. Kulang na kulang.”
“Bakit po ninyo nasabi ‘yan?” tanong ni Anna, nagtataka.
“Kasi, Anna ... ang pagtitiwala sa ating Panginoon ay pagsunod sa lahat niyang kagustuhan. Kahit ano pa man ang pinag-aalala ninyo. Dapat, tayong Kanyang mga nilalang ay walang panghihinayangan kapag tayo ay tinatawag na Niya. Magtiwala tayo sa kanyang pasya.”
“Father, bakit po ninyo nasasabing wala kaming sapat na tiwala sa Diyos?”
“Dahil noong kayo ay pinasundo niya, hindi kayo sumama.”
“Pero gusto ko pa kasing tulungan ang mag-aama ko ...”
“Ganoon din ang katuwiran ni Benilda, hindi ba? Hindi sila sumama sa liwanag dahil gusto pa nilang tiyakin na ang maiiwan nilang bahay at bakuran ay hindi tuluyang masasakop ng mga masasamang puwersa.”
“Father, mali po ba?”
“Maling-mali. Kapag tayo ay tinawag na ng Panginoon, kahit ang pinakamamahal natin sa buhay ay hindi dahilan para tayo tumanggi.” Malapit Na Ang Wakas