NATUTUWA si Mario na hindi pa sasama sa liwanag at dalawang anghel ang asawa. Pero nag-aalala rin.
Dahil baka sa kagustuhan nitong matulungan ang pamilya ay ito naman ang mawawalan ng pagkakataon na manatili na sa walang hanggan ang ligaya, sa langit.
“Anna, basta kung matutulad ka rin lang kina Benilda, iwan mo na kami. Hintayin mo na lang kami doon sa langit. Magkakasama-sama rin naman tayo.”
“Alam ko, Mario. Pero magbabaka-sakali muna ako. Kailangang lumaban muna ako ... kami ni Benilda ... para sa maayos na buhay ninyo dito sa lupa.”
“Ano ang gagawin ninyo ni Benilda para mapaalis ninyo ang mga masasamang ispiritu?”
“W-wala pa kaming maisip, e. Iyan ang katotohanan.”
“Wala rin akong maisip. Ang hirap kalaban ng mga masasamang ispiritu. Lalo na ang kanilang panginoon. Sa ngayon, hindi pa kumikibo ang kanilang panginoon pero hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw.”
“Mario, nakonsulta na natin si Benilda pero siya man, tuliro pa rin. Ano kaya, maghanap ka ng alagad ng Diyos ... pari, obispo ... para matanong mo kung ano ang dapat gawin para masugpo ang mga masasama sa mansiyon?”
“Si Father Basti? Napakabata pa niyang pari, kaya niya kaya? Kunsabagay, nakita ko kung paano siya lumaban. Matatag, matapang. Nasa ospital pa siya pero palagay ko, walang masama kung sa kanya uli tayo magtitiwala.”
“Sige, Mario. Huwag kang matakot, huwag kang mag-alinlangan. Tayo pa rin ang mabuting puwersa. Pumunta tayo sa ospital, sasama ako, makikita rin naman ako ni Father Baste, dalawa tayong ilalapit ang problema natin sa kanya.”
NASA recovery room na si Father Basti, kausap ang dalawang kaluluwa.
Seryoso ito, walang pag-aalinlangan sa kanyang mga sinasabi.
“Sinundo ka na pala ng liwanag, ng mga anghel. Pero tumanggi ka. At sa mga susunod nilang pagsundo, tatanggi ka uli, Anna. Tama?”
“Opo. Sabi ni Benilda pitong beses naman daw na manunundo ang liwanag. Kaya may anim pa ako. Sa ikaanim, kapag wala na ang mga masasamang puwersa sa mansiyon, sasama na ako.”
Nalungkot si Father Basti, napailing. “Alam mo, kaya tayo nahihirapan kasi wala tayong tiwala sa Diyos. Akala natin kaya nating lumaban sa mga masasama. Bakit hindi ninyo iasa sa Diyos ang lahat? Sumunod ka muna sa Diyos, Anna. At Siya na ang bahala sa problema ninyo dito sa lupa. That’s faith. Mga ispiritu lang kayo, let God!” - Ilang Labas Na Lang