House Of Death (166)
NAGPUNTA nga sa kusina ang mga anak pero wala rin doon ang kaluluwa ng kanilang ina.
“Hindi kaya iniwan na talaga tayo ni Inay?” Nalungkot na ng husto ang bunso.
BONGGANG-BONGGANG dumating sa ospital si Azon, donyang-donya. Nangingislap sa mga alahas na mumurahin.
Mga tubog lang sa ginto.
At hindi rin mga totoong diamonds kundi mga Kristal lang.
“Inayyy! Muntik na namin kayong hindi makilala!”
“Kasi ang ganda ko, ano?”
“Opo. Ang yaman-yaman ninyo tingnan. Ang dami n’yo nang pera? Nakita namin kayo sa TV noong isang araw! Sikat na kayo, a!”
“Sayang nga, e. Kasi binitiwan ako ng media. Naging intresado na silang mag-interview kay Mario. Lalo na, namatay na si Anna. Kaya lalo pang nagkainteres sila kay Mario.”
“Eh, Inay ... marami ka pa rin bang pera para gumaling si Itay?”
“Meron pa. Maipapagamot natin siya nang maayos. Gagaling ang tatay ninyo. At kapag ayos na siya, marami kaming magagawa para kumita nang husto. Kailangang mapakinabangan natin ang pagka-third eye natin.”
“Kausapin n’yo na ang doctor, Inay. Para magamot na nang maayos ang Itay.”
“Oo, ako ang bahala. Basta huwag ninyo siyang iwan diyan. Babalik ako.”
At akala mo asawa ni President Trump na si Melania na naglakad si Azon sa pasilyo ng pampublikong ospital.
Suplada siya, nakairap sa mga umuusyoso sa kanyang itsura.
Tse, sobrang inggit lang ang mga ito, e! O baka ngayon lang nakakita ng isang magandang sosyal!
Nakita niya ang isang doctor na nakatingin sa isang bagong dating na pasyente, nataga ito kaya halos mapigtal na ang leeg mula sa katawan ng pasyente.
“Dok, ikaw na lang kaya ang tumingin sa asawa ko? Alam kong madali lang siyang magamot basta mahusay ang doctor.”
“I’d love to. Pero hindi na puwede, e.” At itinuro ng doctor ang mga paang nakaangat sa lupa.
“Ano ba ‘yan? Bakit naman hindi mo sinabi kaagad na multo ka pala?” Inis na lumayo si Azon para maghanap ng totoong doctor.
Itutuloy
- Latest





















